Sunday , December 22 2024
San Jose Del Monte City Government Center

Katatagan ng bagong San Jose Del Monte City Government Center tiniyak ng DPWH

MAS pinatatag at pinatibay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang bagong bukas na San Jose Del Monte City Government Center na itinayo sa Brgy. Dulong Bayan, sa nasabing lungsod.

Tiniyak ito ni DPWH-Bulacan Second District Engineering Office head Engr. George Santos sa pagpapasinaya ng bagong city hall na inabot ng mahigit 15 taon ang pagpapatayo dahil sa pahinto-hintong konstruksiyon.

Aniya, taong 2021 nang magsimulang makatuwang ng pamahalaang lungsod ng San Jose Del Monte ang DPWH upang maisaayos ang kabuuan ng natenggang gusali na naitayo pa noong 2010. Isinailalim ito sa malawakang retrofitting o ang pagpapatibay at pagpapatatag ng mga matagal nang naitayong estraktura.

Tinapos ng DPWH ang mga pagawaing panloob at panlabas na detalyeng pang-estruktura ng nasabing city hall.

Ipinaliwanag ni San Jose Del Monte City Lone District Representative Florida Robes na minarapat ng pamahalaang lungsod na iresolba muna ang mga naging usapin sa burukrasya noong 2016 bago maituloy ang proyekto.

Aabot sa halos P500 milyon ang nagugol upang maisalba ang proyekto.

Sa loob ng nasabing halaga, nasa P300 milyon ang inilaan ng DPWH mula sa mga Pambansang Badyet ng 2021, 2022 at 2023, habang pinagsumikapan ng pamahalaang lungsod na pondohan ang kapupunan.

Tinatayang aabot sa P1 bilyon ang naunang nagugol dito mula nang simulang planuhin at itayo noong 2010 ang ngayo’y bagong city hall.

Para kay San Jose Del Monte Mayor Arthur Robes, ang matagumpay na pagtatapos at ngayon ay pagbubukas ng San Jose Del Monte Government Center ay simbulo ng determinasyon ng pamahalaang lungsod at malinaw na direksiyon tungo sa bisyon na isang ‘Rising City’.

Mayroong anim na palapag na ang apat ay nasa ibabaw ng kalsada at mayroon itong dalawang ground floors.

Nilagyan ito ng elevator at ‘nagsasayaw’ na hagdanan na idinisenyo upang hindi mapagod o hingalin ang mga papanik at bababa dito.

Sa upper ground na nagsisilbing first floor, matatagpuan ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO). Nasa second floor ang City Treasurer’s Office, Public Employment Service Office (PESO), City Engineering Office, City Tourism Office, Human Resource Office, at City Legal Office.

Matatagpuan sa third floor ang Office the Mayor at ang Office of the Vice Mayor, at ang financial cluster ng pamahalaang lungsod gaya ng city budget, assessors, at accounting offices.

Nasa fourth floor ang malaking session hall ng Sangguniang Panglungsod, mga tanggapan ng mga konsehal at ang City Library.

Sa kasalukuyan, isang maluwag na espasyo pa lamang ang lower ground floor at ang basement nito.

Base sa disenyo ng San Jose Del Monte City Government Center, wala itong likuran kundi ‘parehong harapan’.

Ang silangang bahagi ay nakaharap sa bulubundukin ng Sierra Madre na mayroong pitong-kilometrong River Esplanade, may liwasang puno ng pinong damo, mga halaman, at mga bulaklak.

Sentro ng nasabing esplanade ang isang engrandeng ampitheater na uubrang malulan ang nasa 5,000 manonood sa isang all-seating concert o performances.

Nakaharap ang kanlurang bahagi sa Dulong Bayan-Sapang Palay Road na may maayos na sakayan ng dyip at bus gayondin ang pasukan ng mga sasakyan na paparada sa paligid ng San Jose Del Monte City Government Center.

Dito matatagpuan ang inilagak na monumento ng bayaning si Dr. Jose P. Rizal na may hawak na lampara, na ayon kay Mayor Robes ay magsisilbing tanglaw sa patuloy na malinis at epektibong pamamahala sa lungsod.

Samantala, pinangunahan ni Senador Maria Lourdes “Nancy” Binay ang pagpapasinaya na sinaksihan nina Bulacan Sixth District Representative Salvador Pleyto at mga naimbitahang mga punong bayan sa Bulacan.

Samantala, plano ni Mayor Robes na gawing multi-sectoral office at isang museo ang dating city hall sa Brgy. Poblacion. (MICKA BAUTISTA)

About Micka Bautista

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …