NAGTATAG ng support group para sa mga magulang ng batang may special needs ang pamahalaang lungsod ng Muntinlupa.
Ang support group ay isang buwanang pagtitipon na naglalayong magbigay ng safe space para sa mga magulang, kung saan maaari silang magbahagi ng kanilang karanasan, makakuha ng kaalaman, at magbigay ng inspirasyon sa isa’t isa.
Ayon kay Jhen, ina ng batang may developmental delays, “Nagpapasalamat ako na nagkaroon ng ganitong programa. Salamat din sa mga sharing with fellow parents, nakakukuha kami ng inspiration at idea para sa mga anak namin.”
Isang magulang naman, si Dan, ay nagsabi: “Napakalaking relief para sa aming mag-asawa at sa mga tulad kong magulang kasi sa pamamagitan nito, nailalabas namin ang matagal na naming kinikimkim na pagsubok sa aming pamilya.”
Sina Jhen at Dan ay mga magulang ng mga batang benepisaryo ng Project AGAP (Agarang Gabay at Alalay na Pambata), isang makabagong inisyatiba ni Mayor Ruffy Biazon na naglalayong maagang matukoy at maagapan ang mga developmental delays sa mga bata.
Ang programa ay nagbibigay ng libreng assessment at therapy sessions na isinasagawa ng mga developmental-behavioral pediatricians, na tinitiyak na ang mga batang may espesyal na pangangailangan ay nakatatanggap ng napapanahong suporta at pangangalaga.
Ang inisyatibang ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng Lungsod ng Muntinlupa sa pagtataguyod ng isang inklusibong komunidad na sumusuporta sa paglago at kagalingan ng bawat miyembro ng pamilya. (NIÑO ACLAN)