Tuesday , December 31 2024

Ang ‘mischievous’ na misis ng Pangulo

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

BAGO mag-weekend, isang pahayag kontra kontrobersiya ang umalingawngaw mula sa DZRH galing sa presidential palace: isang pagpapaliwanag mula sa video na nag-viral kamakailan.

Isa iyong pag-amin na kinuha nga niya ang champagne glass na hawak ni Senate President Chiz Escudero, uminom mula roon ‘mischievously’ saka ibinalik iyon sa senador na nagmistulang waiter niya.

Para sa isang Unang Ginang ng Republika, mistulang walang ideya si Liza Araneta Marcos sa kaseryosohan ng papel na dapat niyang gampanan. Ang vin d’honneur, isang pagtitipong seryoso at may dignidad, ay hindi ang lugar para sa mga biruan at personal na usapan.

Bilang asawa ng Presidente, inaasahan ang mga asal na karapat-dapat mula sa kanya, lalo sa harap ng mga dignitaries mula sa iba’t ibang bansa at ng mga respetadong panauhin.

Ang kanyang inasal, na inilarawan bilang pagpapasaway at pagbibiro sa isang malapit na kakilala, ay hindi lamang pambabalewala sa pagiging pormal ng okasyon kundi negatibong sumasalamin sa dignidad ng tanggapang kanyang kinakatawan. Ang ginawa niya ay nagpababa sa respeto at paggalang na iniuukol sa pinakamakapangyarihang tao sa bansa. Dahil dito, nagkaroon ng batik ang seryosong pagtitipon, gayundin ang respetong dapat na ipinagkakaloob ng kanyang pamilya sa mga pinuno ng iba pang sangay ng gobyerno.

Eskandalo sa Project 4

Nitong Sabado ng umaga, isang nakaaalarmang balita ng “hostage-taking” ang nangyari sa kalapit naming komunidad sa Aurora Boulevard sa Quezon City.

Sa umpisa, sinasabi ng mga residente na apat na armadong lalaki raw ang sumalakay sa loob ng isang bahay sa Magat Salamat Street sa Project 4, binihag ang lahat ng nakatira roon, at kalaunan ay pinalaya ang isang lalaking may sakit at dalawa niyang anak na batang babae.

Dumaan ang mga nagrespondeng SWAT team ng Quezon City Police District sa pangunahing kalsada sa amin bago magtanghali at tumagal ang hostage drama hanggang bago gumabi.

Sa huli, iniulat ng pulisya na walo katao ang inaresto, kabilang ang isang babaeng nakatira sa bahay na may pakana raw sa pagkubkob sa bahay at hindi pagpapapasok ng sinuman doon, sa katwirang pagmamay-ari raw niya ang bahay.

Nakapaghain na ng mga kasong trespassing at alarm and scandal ang tunay na may-ari ng bahay. Pero nababahala ang Firing Line na itinuring lang na maliit na bagay ang ganitong klase ng gawaing kriminal. Nangangamoy syndicated crime! Ano sa tingin n’yo, Police Station 8?

Marahil ang kasong ito at ang walong suspek ay dapat lang na imbestigahang maigi. Kahit pa ang China, na buong kapal ng mukhang labas-pasok sa mga hangganan ng ating teritoryo sa West Philippine Sea, ay walang ganoong tapang para okupahin ang sala ng isang bahay.

Ang krimeng ito ay hindi simpleng alarm and scandal o trespassing lang. Kung totoong armado ang mga sumalakay sa bahay at nagawa nilang palayasin ang mga totoong nagmamay-ari niyon habang tumatangging papasukin ang mga pulis na maghapon nilang dinedma – pinagmukha palang tanga ng mga kriminal ang mga pulis at ang atin mismong justice system.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …