SA PAGBASURA kamakailan ng isang kaso sa legalidad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), umaasa si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Teofilo Guadiz III na ang mga nakabinbing kaso laban sa palit-jeep ay magkakaroon ng parehong resulta.
“Base ho sa nangyari ngayon na desisyon ng Supreme Court, kung ito ho ang aming pagbabasehan, ako ho ay tiwala na ganoon din po ang mangyayari – ito ay ibabasura at ito po ay ibababa sa mga trial courts o sa Court of Appeals para po litisin. Iyong mga isyu na idinulog po ng mga naghain ng petition kontra dito sa PUVMP,” pahayag ni Guadiz sa isang panayam.
Ginawa ni Guadiz ang pahayag nang tanungin tungkol sa dalawa pang nakabinbing kaso sa pagpapatupad ng PUVMP matapos ibasura ng Korte Suprema ang petisyon na inihain ng Bayyo Association, Inc. (Bayyo).
Sinabi ni Guadiz, tinatanggap nila ang desisyon ng mataas na hukuman, at idinagdag na kinikilala ng korte ang kahalagahan ng PUVMP upang gawing moderno ang ating pampublikong sasakyan.
Gayonman, ipinahayag niya na iginagalang ng LTFRB ang susunod na hakbang ng transport group upang iapela ang naging desisyon ng Korte Suprema.
Samantala, sinabi ng LTFRB chief na nasa 80 porsiyento ang konsolidasyon ng mga PUV sa buong bansa.
Sa Metro Manila, 96 porsiyento ng mga aktibong jeepney ang nag-apply para sa konsolidasyon habang 80 hanggang 90 porsiyento sa mga lalawigan. (ALMAR DANGUILAN)