NANINIWALA si Quezon City Vice Mayor Gian Sotto na masusugpo ang Violence Against Women (VAW) kapag sinimulan ng mga kalalakihan na wakasan ito.
Bilang mga lalaki, dapat nilang tulungan ang maraming kababaihan na ‘walang boses’ at ‘hindi maipaglaban’ ang kanilang sarili.
Ginawa ni Sotto ang pahayag nang dumalo sa mass oathtaking ng libo-libong kalalakihan na sumali sa Men Opposed to Violence Everywhere (MOVE) .
Ayon kay Sotto, layunin ng MOVE na himukin ang mga kalalakihan na manindigan para sa kanilang pamilya at komunidad at lumaban para sa proteksiyon ng mga kababaihan.
Batay sa datos ng Philippine Commission on Women, isa sa apat na Pinay na may edad 15 hanggang 45 anyos ang nakakaranas ng physical, emotional, mental, at sexual violence mula sa kanilang asawa o partner at sa ibang tao sa kanilang komunidad.
Ang pang-aabuso ay nararanasan ng mga kababaihan hindi lamang sa bahay kung hindi maging saan mang lugar at institusyon.
Hinimok ni VM Sotto ang mga kalalakihan na pangunahan ang paglaban sa karahasan lalo sa loob ng tahanan sa tulong ng Gender and Development Office ng pamahalaang lungsod ng Quezon. (ALMAR DANGUILAN)