SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MALALIM na talaga ang pagkakaibigan nina Janice de Belen, Gelli de Belen, Candy Pangilinan, at Carmina Villaroel kaya naman hindi naiwasang maiyak ng huli nang maungkat ang ukol sa kanilang samahan.
First time magkakasama sa pelikula ng apat sa pelikulang Road Trip na idinirehe ni Andoy Ranay at mapapanood na sa mga sinehan sa January 17 at naungkat kung gaano na kalalim ang kanilang pagkakaibigan.
Dito’y hindi napigilan ni Carmina na ‘di maiyak nang ibahagi ang pagkamatay ng kanyang ina na ang unang dumamay ay ang mga kaibigan niya.
At habang ikinukuwento iyon ay naiyak na rin si Gelli na nasundan nina Janice at Candy.
Ani Carmina, ang mga kaibigan niya ang unang dumamay nang mamatay ang kanyang ina noong 1996 at pagkaraan ay ang kanyang daddy noong 2022.
“Kahit si Gelli na nasa Canada, kasi iba talaga ‘yung relationship ko with Gelli, andyan siya, sila…” ani Carmina.
Marami pang kuwento ang apat ukol sa kanilang pagkakaibigan na ipakikita sa kanilang pelikula na si Candy pala ang sumulat.
Bale ang pelikula ay ukol sa journey ng apat na magkakaibigan tungo sa kakaibang adventure ng kanilang buhay.
Sa pelikulang ito ay dadalhin tayo sa isang trip down memory lane at ipapaalala ang mga masasayang panahon na kasama ang ating pinakamatatalik na kaibigan.
Mula ito sa Viva Films. Ang Roadtrip ay isang friendship dramedy movie tungkol sa apat na magkakaibigan na muling magkakasama-sama at sabay-sabay na pupunta sa isang kaibigan.
Si Janice si Gigi, isang writer na likas na mabait, people pleaser, tahimik, at matulungin sa iba, pero pagod na sa lahat ng responsibilidad at gusto nang pahinga. Si Gelli si Maricar, isang events planner na laging umiiwas sa maraming tanong ng mga tao. Si Carmina si Chiqui. Isang artista mula sa isang mayamang political family, at nakapangasawa rin ng politiko. Kahit na mayaman at mukhang kayang gawin ang kahit na anong gusto, kontrolado pa rin ng mga magulang ni Chiqui ang mga desisyon niya sa buhay. Si Candy naman si Sophia, laging busy at maraming pinagkakaabalahan—mula sa pagiging businesswoman, vlogger, pag-handle ng construction firm, at pag-aalaga sa pamilya. Mukha siyang bossy at arogante pero lagi siyang handang tumulong sa nangangailangan. Gusto ring magpahinga sa lahat ng dinadala.
Tulad ng magkakaibigan, ipakikita rin ang minsang ‘di pagkakaunawaan o pag-aaway na malayo sa tunay na nangyayari kina Janice, Gelli, Mina, at Candy.
Anang apat, never silang nag-away-away dahil na rin siguro sa tagal ng kanilang pagkakaibigan.
Kasama rin sa pelikula sina Christian Vasquez, JC Tiuseco, John Lapus, Ethan David, Abby Bautista, Ashtine Olviga, Yumi Garcia, Heart Ryan, at Jastine Lim.
Kaya sa January 17, ayain na ang inyong mga kaibigan at sabay-sabay nating panoorin ang Roadtrip na tiyak lahat ay makare-relate.