SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
HUMINGI ng paumanhin ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil walang magaganap na Summer Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon.
Ito ang inanunsiyo ni MMDA Chairman at concurrent MMFF ExeComm Chairman na si Don Artes noongMartes ng umaga sa isinagawang media conference sa kanilang tanggapan.
Ani Artes, gusto nilang bigyang atensiyon ang paghahanda sa ika-50 taon ng MMFF.
“Ako po ay humihingi ng paumanhin dahil hindi na po kami magsa-Summer, ang Metro Manila Film Festival,” ani Artes.
“Gusto po naming mag-concentrate sa 50th edition natin. Pero marami rin naman po tayong activities na naka-line up,” dagdag pa.
Ibinahagi rin ni Artes ang posibilidad na pagsasagawa ng Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) at nakipag-ugnayan na siya sa Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Ibibigay daw nila ang full support sa proyektong ito.
“Nag-usap ho kami ng FDCP sa pangunguna ni Chair Tirso Cruz III na kung pwede instead na Summer MMFF ay magkaroon ng Pista ng Pelikulang Pilipino para ma-sustain po natin ‘yung momentum,”sambit ni Artes.
“At kami po sa MMFF ay nag-offer ng tulong kung sakaling magko-conduct po ang FDCP ng Pista ng Pelikulang Pilipino.”
Inihayag din ni Artes ang pagsasagawa ng Manila International Film Festival sa Los Angeles simula Enero 29 hanggang Pebrero 2 na ang sampung pelikulang kalahok sa 49th MMFF ay ipalalabas doon.
Plano rin nilang magkaroon ng coffee table book bago ang 50th MMFF sa pakikipagtulungan ng FDCP para sa planong nationwide screening ng top MMFF films simula noong 50 years na ang tiket ay magkakahalaga lamang ng P50.
Ito ay para ipakita, ani Artes na noon pa man ay nakapagpo-prodyus na tayo ng mga dekalidad na pelikula.