Friday , November 15 2024

Drag racer nanagasa, nangaladkad ng pulis sa QC

112523 Hataw Frontpage

ni ALMAR DANGUILAN

ISANG 23-anyos lalaking sangkot sa illegal drag racing ang kasalukuyang nakapiit sa presinto matapos niyang takasan, sagasaan, at kaladkarin ang pulis na aaresto sa kanya sa Quezon City nitong Huwebes ng madaling araw.

Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Director, PBrig. Gen. Redrico Maranan, kinilala ang suspek na si Carl Andre Perez, 23, nakatira sa Bgy. Kaligayahan, Novaliches, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon, bandang 2:10 am, naispatan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Pasong Putik Proper Police Station 16, ang isang kulay dilaw na Honda Civic Sedan at isa pang kotse na sobra ang ingay dahil sa acceleration ng dalawang sasakyan.

Nabatid na inihahanda ng suspek ang kanyang kotse para sa drag racing sa kanto ng Commonwealth at Mindanao avenues, sa Bgy. Pasong Putik Proper, Novaliches.

Nilapitan ni Pat. Selvin Razon si Perez upang sitahin pero agad na pinaharurot ang kaniyang kotse kaya nasagasaan ang pulis pero imbes huminto ay kinaladkad pa ang biktima.

Agad hinabol ng iba pang operatiba ang suspek pero hindi na nila naabutan.

Kinabukasan, dakong 9:15 am isinuko ang suspek ng kanyang ama sa barangay hall ng Kaligayahan, Novaliches, at doon inaresto ng mga pulis.

Nakuha ang sasakyan nitong kulay dilaw na Honda Civic, may plakang WFD 616 sa San Mateo, Rizal.

Nahaharap sa kasong frustrated murder, resistance and disobedience to an agent of a person of authority, alarms and scandals, at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33, sa ilalim ng Presidential Decree No. 1865 ang suspek.

Pinuri ni QCPD Director PBGen. Redrico Maranan si Pat. Razon na ngayon ay nagpapagaling sa ospital dahil sa ipinakita nitong dedikasyon sa trabaho

“I urge our personnel to be cautious and vigilant at all times while responding to any incident. Sa ating mga QCitizens, maraming salamat sa patuloy na pakikipagtulungan sa ating pulisya,” pahayag ng QCPD chief. (ALMAR DANGUILAN)

About Almar Danguilan

Check Also

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

COMELEC Vote Election

Erice naghain ng supplemental Motion para tuluyang ibasura kontrata ng Comelec–MIRU

NAGHAIN ng supplemental motion sa Korte Suprema si dating Caloocan City congressman Egay Erice para …

Principal

PH public schools kapos sa principal

BINIGYANG-DIIN ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahang mapunan ang pagkukulang ng mga punong-guro sa mga …

AMLC

Bigtime money launderer dapat arestohin ng AMLC

UMAPELA si Senate Minority Floor Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na palakasin ng Anti-Money Laundering …

Scam fraud Money

Nagpanggap na kaniyang pamangkin, Babae sa Tarlac tiklo sa online love scam

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang babaeng kinilalang si alyas “Tita” matapos magpanggap na kaniyang …