Ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII) sa pangunguna ng pangulong Dr. Cecelio K. Pedro ay nagbigay ng regalong P5 milyong piso sa kauna-unahang Hangzhou Asian Games na nagwagi ng gintong medalya ng Pilipinas at ang No. 2 pinakamahusay na pole vault na atleta sa mundo na si EJ Uy Obiena. Ang regalo ay isang reward din para suportahan ang kanyang 2024 Paris Olympic bid. Ang seremonya ay ginanap noong Oktubre 10 sa FFCCII Bldg. sa Binondo, Maynila.
Binati ni Dr. Pedro si Obiena “sa pagdadala ng karangalan sa Pilipinas at sa Filipino Chinese community” sa kanyang tagumpay sa Asya. Aniya, si Obiena ay ang kontribusyon ng ating Filipino chinese community sa Pilipinas, na nagpapakita ng ating pagiging ‘Dugong Tsino, Pusong Pinoy’ ng pag-aalaga sa ating etnikong Chinese heritage at kasabay nito ang pagiging ganap na mamamayang Pilipino na tumutulong sa pag-unlad ng Pilipinas. Sinabi rin ni Dr. Pedro na ang panalo ni Obiena ay nakatulong upang maisulong ang mabuting kalooban at tradisyonal na pagkakaibigan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, kung saan ang 80, 000 Chinese crowd sa Hangzhou Olympic stadium ay nag cheers sa kanyang panalo.
Ang FFCCCII ay ang pinakamalaking umbrella organization ng 170 Filipino Chinese chambers of commerce at iba pang magkakaibang asosasyon sa industriya ng negosyo sa buong Pilipinas, mula Aparri hanggang Tawi Tawi. Kabilang sa maraming proyektong pang-ekonomiya, pangkultura at kawanggawa ng FFCCCII ang “Operation Barrio School” nito na nakapagtayo at nag-donate na ng mahigit 6,200 public schoolbuilding para sa mga rural na lugar sa buong bansa, suporta para sa mga Filipino Chines volunteer fire brigades sa buong bansa, atbp. (HATAW Sports)