RATED R
ni Rommel Gonzales
DAHIL tungkol sa “what ifs” ang Love Before Sunrise nina Dennis Trillo at Bea Alonzo natanong si Dennis kung ano ang naging ‘what if’ niya sa buhay pag-ibig?
“Masyado yatang seryoso ‘yun ‘pag buhay pag-ibig, siguro… mahirap kasi ‘pag may ‘what if’ ka eh, parang may pagsisisi sa buhay na hindi mo nagawa, ‘di ba?
“Ako siguro hindi masyadong maka-relate kaya siguro ang ‘what if’ ko ay ‘what if kung naging bading ako sa totoong buhay?’
“Masaya siguro ‘yun ‘di ba,” at tumawa si Dennis.
“Ang landi ko sigurong bakla, ang dami ko sigurong boyfriends,” ang tumatawa pa ring sabi ng aktor.
Kasama nina Dennis at Bea sa serye sina Andrea Torres at Sid Lucero. Kasama rin sina Sef Cadayona, Rodjun Cruz, Vaness del Moral, Vince Maristela, Jose Sarasola, at Cheska Fausto.
Bahagi rin ng programa ang mga respetadong artista ng Pilipinas na sina Nadia Montenegro, Tetchie Agbayani, Ricky Davao, Jackie Lou Blanco, Isay Alvarez, at Matet de Leon.
Naunang ipalabas ng 48 hours in advance sa Viu Philippines ang serye simula September 23, nag-premire naman ito nitong September 25 sa GMA Telebabad at mapapanood Lunes hanggang Biyernes 8:50 p.m..