SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
KINOMPIRMA ng management ng PTV4 na may negosasyon sila kay Willie Revillame kasama ang IBC13.
Sa naganap na presscon ng PTV4 noong Biyernes, September 8, para sa anunsiyo ng mga bago nilang public affairs program, inihayag ni Ms Ana Puod, general manager ng People’s Television Network Inc. ang ukol sa pakikipag-usap nila kay Willie.
Aniya, ayaw ni Willie ng noontime show kaya baka ang mangyari ay ilagay ang programa nito bilang pre-programming ng primetime newscast ng PTV.
Wala pang katiyakan kung kailan ito mangyayari pero ang tiyak, Wowowin pa rin ang titulo ng show ni Willie na eere mula Lunes hanggang Biyernes, 5:00-6:30 p.m., sa PTV-4 at IBC 13.
“Under nego (negotiation) iyon po ang operative word. It’s a tripartite discussion po with IBC 13, PTV, at saka si Willie.
“So, matagal po ‘yung proseso. Marami pang inaayos. But all of the parties are hoping for a very positive outcome of our negotiation.
“‘Yung aming pakikipag-usap po sa kanila ay guided naman po ng Presidential Commission’s office. Sila po ang nagma-manage sa mga agencies na ‘yun,” palinawag ni Ms. Ana.
“Matagal na po ito. Nag-start po kami, few months ago. Until now, we’re still discussing ‘yung partnership o kung ano man ‘yung magiging nature ng aming relationship,” dagdag pa.
“Magkakilala kami ni Willie, ABS-CBN pa, eh. So, na-float ‘yung idea nonng naging GM ako last June.
“Tapos at the same time, si Jimmy Policarpio, ‘yung presidente ng IBC, kinontak siya. So, sabi ni Willie, ‘Ana, kinakausap ako ni Jimmy Policarpio. Bakit hindi ka sumama?’” ani Ms Ana nang matanong kung paano nagsimula ang pakikipag-usap nila kay Willie.
At napatunayan ang pag-uusap nilang ito sa picture na ipinost sa Facebook official account ng Wowowin ninaMs. Ana at Jimmy Policarpio, Jr. kasama si Willie na may caption na, “HINDI NA CHISMIS! Malapit na malapit na!”
Pagbubuking ni Ms Ana, “Very skeptic siya (Willie). Kasi hindi niya kabisado kung ano ‘yung reach ng PTV, kung ano ba ang kaya namin.
“So, noong na-explain ko sa kanya na, ‘Excuse me, may HD channel kami at saka mas marami pa kaming tower kaysa iba.’ At saka gobyerno ito, eh.
“Hindi rin siya nagtatanong tungkol sa sahod. Hindi siya nagtatanong tungkol sa etcetera, etcetera. May part pa niyong deal na magugulat kayo, pumayag siya,” pagbabahagi pa ni Ms Ana.
Samantala, magsisimula na ang bago at pinalakas na programming ng PTV mula Lunes hanggang Biyernes: 12 noon ang daily public program na Bagong Pilipinas Ngayon ni Niña Corpuz; 1:00 p.m. ang newscast na Sentro Balita nina Angelique Lazo, Audrey Gorriceta, at Naomi Tiburcio.
Nandiyan din ang morning show na Punto Asintado Reload tuwing 10::0 a.m. ni Erwin Tulfo, kasama si Aljo Bendijo; ang docu-series na On The Ground ni Direk Paul Soriano; at ang kanyang BBM VLOGS na magpapakita sa mga kaganapan sa pagseserbisyo ni Pangulong Bongbong Marcos.