Isa-isang nahulog sa kamay ng batas ang mga tigasing tulak, mga nagtatagong pugante at mga pasaway na sugarol sa patuloy na operasyon ng pulisya sa Bulacan kamakalawa.
Batay sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PNP, sa buy-bust operation na ikinasa ng Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Angat at Malolos C/MPS ay tatlong suspek sa droga ang naaresto.
Kinilala ang mga arestado na sina Romeo Espayos, Redente Collado, at Jhem Camua na nakumpiskahan ng walong piraso ng pakete ng plastic na naglalaman ng shabu, may Standard Drug Price na Php 62,764.00, assorted drug paraphernalia, at buy-bust money.
Ang mga nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) para sa pagsusuri, samantalang kasong paglabag sa R.A. 9165 laban sa mga suspek ang inihahanda para isampa sa korte.
Samantala, apat na pugante ang arestado sa manhunt operations na inilatag ng tracker team ng CIDG Bulacan, Pandi, at Obando MPS.
Ang mga arestado sa bisa ng warrant of arrest ay kinilalang sina Dexter Espinosa sa krimeng Robbery sa Verde Heights, Brgy. Gaya-Gaya, San Jose Del Monte City; Rafael Uvas, arestado sa kasong BP 22 sa Pandi, Bulacan; Benjie Enconado, para sa 6 counts ng Arbitrary Detention sa Pulilan, Bulacan; at Reynan Luna na inaresto sa krimeng Rape sa Brgy. Wawang Pulo, Valenzuela City.
Ang mga naarestong akusado ay kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/station para sa angkop na disposisyon.
Sa isinagawa namang anti-illegal gambling operations ng Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) ay nagresulta sa pagkaaresto nina Ernani Nicolas at Gloria Andres sa pagkakasangkot sa illegal bet game na bookies.
Nakumpiska sa mga suspek na gagamiting ebidensiya ang dalawang bundles ng papelitos, tatlong pirasong ballpen, at bet money sa iba’t-ibang denominasyon.
Ang mga arestadong suspek ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa P.D. 1602, o Anti-Illegal Gambling Act. (MICKA BAUTISTA)