MA at PA
ni Rommel Placente
DEADMA lang si Lea Salonga kung mawalan man o mabawasan siya ng mga fan dahil sa kanyang paninindigan.
Nag-viral ang video ni Lea nang tumanggi siyang magpa-picture sa fans na sumugod sa dressing room niya matapos ang kanyang performance sa musicale na Here Lies Love na ginanap sa ibang bansa.
Dahil sa pangyayaring ito, may mga bumatikos sa OPM icon, at nagsabing masyado naman daw siyang feeling superstar sa inasta niya sa harap ng mga fan na gusto lang naman magpa-picture sa kanya.
Sana raw ay pinagbigyan na lang niya ang mga ito dahil minsan lang naman daw mangyari ang ganoong mga pagkakataon sa mga Pinoy fan na matagal nang naninirahan sa ibang bansa.
Pero nanindigan si Lea sa kanyang paniniwala na mali ang ginawa ng mga naturang fans at sa kabila raw ng pangnenega at pang-ookray sa kanya sa social media patuloy niyang poprotektahan ang sinasabi niyang boundaries.
Sa kanyang Twitter account, ito ang ipinagdiinan ng singer, “The money you pay for a theater/concert ticket does not mean all-access. You pay for that performer’s art, and that’s where it stops.”
O, ‘di ba? ‘Yan si Lea Salonga.
Pero para sa akin, tama lang naman ang ginawa ni Lea. Sinabi niya na for security reasons din, na hindi nga pwedeng basta magpapapasok sa kanyang dressing room.
At pinagbigyan naman niya ang mga fan na gustong magpa-picture sa kanya. Niyaya niya ang mga ito na sa labas na lang ng kanyang dressing room sila mag-picture-an.