Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
MALAYO pa ang 2025 local elections ngunit tila nagsisimula na ang ‘operation demolition job’ o paglalabas ng mga ‘baho’ ng mga tatakbong mayor sa lungsod ng Las Piñas.
Isa na rito ang maugong na usap-usapan na isang mambabatas mula sa mataas na kapulungan ng bansa ang ‘bababa’ para sambutin ang pagiging alkalde ng lungsod na kanyang pinagmulan.
Hmmm — ang hirap naman hulaan niyan — si Senadora Cynthia Villar?
Kasunod nito ang inilabas na ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na umano’y may utang na mahigit P200 milyon sa gobyerno ang senadora dahil sa hindi pagbabayad ng buwis.
Kung hindi tayo nagkakamali, ang isyung ito ay nasa Las Piñas City Council na. Ano kaya ang masasabi ng konseho na ang presiding officer ay si Vice Mayor April Aguilar-Nery, pamangkin ng senadora, anak ng kanyang utol na si dating Mayor Nene Aguilar, at ng kanyang hipag na si kasalukuyang Mayor Imelda Aguilar?
Sagot umano ng Senadora dahil sa epekto ng Covid-19 pandemic hindi kumite ang mga negosyo!
Abangan natin mga ‘igan!
ISYU PA RIN VS SENADORA
DAHIL tatakbo nga umano bilang alkalde si Senator Cynthia Villar sa Las Piñas City sa 2025, panay na daw ang ikot ng senadora, hitsurang campaign period na, at namamahagi ng ipinagkakaloob ng TUPAD na ang pondo ay mula sa pamahalaang nasyonal.
At ang tampok na usapan ng mga ‘marites’ karamihan daw sa benepisaryo ng TUPAD ay pawang empleyado ng pag-aaring kompanya ng pamilya ng senadora.
How true ito Senadora? Mananahimik ka na lang ba? Bukas ang kolum na ito Madam Senator. Kung tatahimik ka, parang totoo na rin ang tsismis.