SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
HABANG patuloy na lumalawak at nagtatagumpay ang NET25 sa larangan ng telebisyon, itinatawid na rin ng network ang pagbuo ng mga pelikulang tiyak na kagigiliwan ng mga Filipino. Tampok sa bagong milestone na ito ang tambalan ng dalawa sa mga respetado at mahuhusay na aktor sa bansa, sina Ricky Davao at Gina Alajar sa pelikulang Monday First Screening ng NET25 Films.
Ang pelikula, na tinaguriang “senior citizen rom-com,” ay nakasentro sa kuwento ng dalawang senior citizen na may namuong pagmamahalan mula sa panonood ng mga libreng pelikula sa unang screening tuwing Lunes gaya ng ginagawa ng marami sa ilang mall sa Metro Manila.
Mas makikilala ng mga manonood si Lydia, (Gina Alajar), isang retiradong high school principal na sumasama sa grupo ng mga senior citizen gaya niya para manood ng sine sa mall.
Nagkaroon kahapon ng premiere ng pelikula, sa pamamagitan ng invitational screening, sa EVM Convention Center, Central Avenue, Quezon City. Hindi lamang nito ipinakita ang kauna-unahang pelikula ng NET25, ngunit ito rin ay isang pagkakataon para magbigay-serbisyo sa mga senior citizen.
May libreng medical at eye check-up, libreng gamot, bitamina, reading glass, hearing aid, at ilang wheelchair na ibinigay sa mga lumahok sa programa.
Ang mga senior citizen at miyembro ng pamilya ay nakatanggap din ng libreng serbisyo ng Philhealth at Pag-IBIG Fund. Isang photo booth din ang inihanda para sa mga young at heart.
Kasama rin sa pelikula ang mga award-winning actor na sina Ruby Ruiz, Soliman Cruz, Che Ramos, at David Shouder, kasama ang umuusbong na love team na dapat abangan-Allen Abrenica at Reign Parani.
Ang Monday First Screening ay idinirehe ni Benedict Mique. Kasama niyang sumulat ng screenplay si Aya Anunciacion habang si Owen Berrico ang director of photography.