SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
HINDI napigil ng komedyanteng si Chad Kinis na maiyak habang nagpapasalamat sa dalawa niyang kaibigan at kasamahan sa Beks Battalion na sina Lassy Marquez at MC Muah.
Sa media conference ng pelikula nilang Beks Days of Our Lives na si Chad ang direktor at silang tatlo ang bida, hindi napigilan ni Chad na maging emosyonal habang nagpapasalamat kina Lassy at MC.
Iniisa-isa niya ang mga pinagdaanan nilang tatlo bilang matalik na magkakaibigan at kung gaano siya nagpapasalamat sa dalawang kapwa komedyante.
Sinabi ni Chad na dream come true ang maging direktor at naging espesyal ito dahil silang tatlo o ang kanilang grupong Beks Battalion ang bida at pinaka-launching movie nila.
Sa media conference ng pelikula na ginawa sa Botejyu, Vertis North, sinabi ni Chad na, “This Beks Battalion is an unexpected family. Hindi po namin inasahan na ganito kami magiging katatag, magkakasama bilang pamilya.
“Nagkaroon ako ng panibagong mga kapatid sa kanila. Sa totoo lang po kasi, I’ve been so alone for decades na mag-isang nagtatrabaho, papasok ako ng comedy bar, uuwi akong mag-isa.
“Noong nagkaroon ng pandemya, nabuo ko ang Ex-Battalion. Parang I found a new purpose sa kanila. Pagkasabi nito’y gumaralgal na ang boses ni Chad at naluha na.
“Hindi lang po ako nagkaroon ng kapatid, nagkaroon ako ng pamilya, kasi mayroong gumagabay sa akin. Nagkaroon po ako ng bagong direksiyon sa kanila.
“Kung sino po ang talagang magiging thankful dito, ako po talaga kasi tinanggap po nila ako.
“Tinanggap po nila ako bilang pangatlo sa pamilya nila kaya hinding-hindi ko makalilimutan lagi ang kabaitan nila, ang pagtulong nila. Kung sino po ang tinutulungan dito, hindi po ako ang nakatulong sa kanila.
“Ako po ang bumuo ng Beks Battalion, pero ako po ang dinala nila pataas kaya super thankful ako sa dalawang ito,” giit ni Chad habang lumuluha.
Ang Beks Days of Our Lives ay isang dramedy na mapapanood na sa mga sinehan simula sa May 17.
Hindi lang basta tatawa ang madlang pipol kapag nanood ng Beks Days of Our Lives kundi maiiyak din sila lalo na sa ending.
“This is not just your ordinary comedy film dahil may puso rin at balun-balunan ang kuwento nito,” giit pa ni direk Chad.