SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MARAMI ang nagulat tiyak nang bumulaga sa social media ang mga sexy picture at post ng dating Kapamilyachild star na Xyriel Manabat. Na nasundan pa ng pagsasabi nitong handang-handa na siyang sumabak sa matured at sexy roles.
Ang dating batang gumaganap sa mga madamdaming role bilang si Agua at Bendita sa Agua Bendita, nagbida sa Momay, at pinag-usapan sa 100 Days To Heaven, nagwagi bilang Best Child Actress sa 36thMetro Manila Film Festival sa role niya sa Ang Tanging In mo (Last na ‘To) at marami pang iba, ngayon ay isa nang ganap na dalaga na handa nang magpaka-daring.
Pero bago kayo mag-react hindi naman magpapakita basta-basta ng kahubdan ng katawan ang sumikat na child actress. Paglilinaw ni Xyriel, depende sa materyal na iaalok sa kanya kung dapat bang magpakita ng skin o katawan. Kailangan ay iyong may relevance sa tema at istorya.
Ani Xyriel nang makahuntahan namin ito sa announcement ng Star Magic para sa mga event nila ngayong May, “Kung necessity po siya. Pero if just because magpapa-sexy lang and walang relevance sa story or kind of character sa role, then it’s a no.
“Kung hindi naman kailangan (magpa-sexy), then I don’t see the need to do so.
“Gusto ko pong makita ng viewers ‘yung dedication ko sa craft, and the way I give justice to my roles. Gusto ko pong iyon ang nano-notice nila,” sabi pa ni Xyriel na napapanood ngayon sa Dirty Linen.
Samantala, inamin ni Xyriel na kahit paano’y naaapektuhan siya ng mga negative comment sa kanya lalo nang nagbago siya ng image.
“I can’t be a hypocrite na sabihin na hindi ako affected kasi mayroon at mayroon po akong feelings at hindi po puwedeng maging unfair ako sa emotions ko kapag nakakabasa ako ng mean comments.
“I want to be fair with myself. Minsan unintentionally po nakakabasa ako ng negative comments and every time nagri-read ako, ‘yung mga good comment, talking about sa mga episode ng ‘Dirty Linen’ kasi gusto ko makita kung ano ‘yung take nila sa performance ko, gusto ko makita kung ano ‘yung babaguhin ko po.
“If it’s about an opinion or unnecessary comments about my public posts, no (‘di na binabasa) na po. Gusto ko i-guard ‘yung mental health ko,” esplika pa ng batang aktres.