SIMPLE pero rock! ‘ika nga sa kasabihan. Simpleng mensahe ang ipinaabot ni Vic Sotto sa katatapos na birthday celebration niya noong April 29 para sa kinakaharap na usapin o isyu ngayon ng kanilang noontime show, ang Eat Bulaga!
Isang matinding sagot nga ang ipinaabot ni Vic patungkol sa kinakaharap na kontrobersiya ng kanilang programa.
Sa opening ng programa ay agad na may pasabog si Vic, na ipinagdiwang ang 69th birthday sa EB, na talaga namang inabangan ng netizens. Idinaan ni Vic ang pagpapahayag ng saloobin sa pamamagitan ng suot niyang pulang jacket na may mensaheng solid na solid pa rin ang samahan nila nina Tito Sen (Sen. Tito Sotto) at Joey de Leon at walang sinumang pwedeng sumira rito.
Ani Vic, “Sandali, may message muna ako. Siyempre, birthday message.
“Isa lang ang message ko ngayong birthday kong ito, eto…” na biglang tumalikod para ipakita ang naka-print sa kanyang pulang jacket, ang mga letrang “TVJ”.
“‘Yun na ‘yon!” susog ng asawang si Pauleen Luna.
At saka naman humirit si Joey na aniya, bibigyan niya ng pera kung may makakakanta ng theme song ng katapat nilang programa sa ABS-CBN, ang It’s Showtime sa kanilang mga co-host. Subalit walang kumasa sa hamon ni Joey.
Sa naturang birthday celebration ay nagkaroon ng isang mini-concert ang mga host ng Eat Bulaga na kinanta ni Bossing Vic ang mga classic song na sumikat noong dekada ’70 at isinulat ng TVJ.
Sa pagkakataong iyon kitang-kita at ramdam na ramdam ang pagkakaisa at pagmamahal ng mga host sa bawat isa lalo na nang kantahin nila ang theme song ng EB.
Bago ito’y nauna nang nagsalita at naglabas ng maraming pasabog si Tito Sen ukol sa mga isyung may kinalaman sa pagpapatakbo ng kanilang programa.
Maraming pinakawalang salita si Tito Sen na kumokontra sa pahayag ni Dapitan Mayor Bullet Jalosjos na isa rin sa mga executive ng TAPE Inc., ang producer ng Eat Bulaga lalo ang ukol sa pera at ang umano’y pagtatanggal sa ilang hosts ng show.
Isiniwalat ni Tito Sen na may tig-P30-M na utang ng TAPE kina Vic at Joey (talent fee para sa taong 2022).
Pinanindigan din ni Tito Sen na hindi totoong nalulugi ang Eat Bulaga kaya kailangang magbawas ng mga host at staff. (MValdez)