NAGPAHAYAG ng kagalakan ang TV host/ aktor na si Vhong Navarro sa ibinabang desisyon ng Supreme Court, na nag-dismiss ng dalawang criminal case na isinampa laban sa kanya ni Deniece Cornejo.
Ani Vhong sa It’s Showtime kahapon bago ang pagbaba ng desisyon ng Korte Suprema ay medyo nawawalan na siya ng pag-asa.
“Dasal ako nang dasal every day and every night na hopefully ay makuha ko na ‘yung minimithi ko, na matapos na itong pinagdaraanan ko. Kasi may mga panahon na akala ko, nawalan ako ng pag-asa eh. Nawalan ako ng hope noong nasa loob ako,” pag-amin ng aktor.
“Pero hindi ako tumigil sa pagdarasal kaya eto na po, [dininig] na po ng Supreme Court ‘yung dasal natin. At nagkakaroon na po ng maganda ang ginawa nilang pagresolba sa kaso ko.
“Kaya maraming-maraming salamat sa Supreme Court. Maraming-maraming salamat sa aking legal team na talagang nandiyan, hindi ako pinabayaan,” sambit ni Vhong.
Pinasalamatan din ni Vhong ang ABS-CBN at ang kanyang manager na si direk Chito Rono na naniwala at hindi nang-iwan sa kanya.
“Of course, ABS-CBN dahil hindi ako iniwan, binigyan ako ng trabaho. Welcome ako rito sa ‘Showtime.’ Sir Carlo Katigbak, Sir Mark Lopez and of course Tita Cory Vidanes, maraming-maraming salamat. I love you. Lagi kayong nandiyan. Lagi kayong nakaalalay sa akin. Of course, Direk Chito Roño, sa manager ko. I love you boss thank you so much. Sa Street Boys.
“At sa mga taong naniniwala sa akin, sumusuporta sa akin, marami pong salamat. Of course my family kay Tanya, kay Yce, kay Bruno, sa dalawang nanay ko, sa mga kapatid ko at sa mga kaibigan ko pa, maraming-maraming salamat,” dagdag pa ng aktor.
Idinagdag pa ni Vhong na nagbalik ang paniniwala niya sa justice system ng ating bansa.
“Dahil sa Supreme Court naniniwala po ulit ako na may justice system sa Pilipinas. Salamat po. Kaya patuloy po tayong magdarasal. God is really good,” nasabi pa ni Vhong at pagkaraan ay inayakap siya ng mga kasamahan sa It’s Showtime. (MVN)