MA at PA
ni Rommel Placente
BALIK-PRIMETIME ang award-winning actor na si Coco Martin via FPJ’s Batang Quiapo.
Sa mediacon ng serye, ikinuweto ni Coco kung bakit napili niya ang kantang Kapalaran na ini-revive ni Gary Valenciano bilang isa sa themesong ng serye.
Ang Batang Quiapo ay isa sa mga nagawang pelikula noong 1986 ng namayapang aktor na si Fernando Poe Jr..
Sabi ni Coco, “Para siyang milagro para sa akin. Kasi, noong araw na bago kami mag-storycon, iniisip ko kung ano ang magiging disenyo ng stage, kung anong magiging hitsura ng over-all.
“Sabi ko sana kahit storycon pa lang, gusto ko na maramdaman na ng mga actor, ano ‘yung project, ano ‘yung konsepto.
“Naisip ko, sabi ko, gusto ko, parang pagpunta nila, parang nadoon ka na mismo sa Quiapo. Tapos okey na lahat, nakita ko ‘yung design, in-approve na.
“Sabi ko, gusto ko, habang naglalakad ‘yung mga artista, may tumutugtog na kanta. Na parang themesong na.
“Tapos sabi kong ganoon, ang alam kong themesong ng ‘Batang Quiapo,’ ‘Doon Lang, eh. Tapos noong tiningnan ko, inaral ko, ganoon, ayun bagay.
“Pero noong kakalipat ko ng kakalipat ng ano, mayroo akong narinig na kanta, na isa sa mga kinanta ni Gary Valenciano, ‘yung ‘Kapalaran.’ Sabi ko parang bagay din siya.
“Kasi parang kuwento siya ng bawat tao. Hindi ‘yung karakter lang ni Tanggol (Coco). Parang lahat nakare-relate. Lalo na pagdating sa Quiapo, ‘di ba, parang nandoon tayo para magdasal, magsimba, para magkaroon tayo ng maayos na buhay?
“Parang inano ko siya, sabi ko, sakto mayroong Gary V.
“Tapos noong umaga, bago ako mag-storycon, nagkita kami ni Sir Gary dahil may taping sila ng ‘ASAP,’ niyakap ko siya, nagpasalamat ako dahil nga sa ‘Ang Probinsiyano.’”
Si Gary V ang kumanta ng themesong ng Ang Probinsyano.
“Sabi ko Sir Gary, kinanta mo pala ‘yung ‘Kapalaran?’ Nagamit mo na ba ‘yun sa pelikula o teleserye?
“Sabi niya, ‘hindi pa. Pero matagal ko nang nakanta ‘yan’
“Sabi ko,’Sir Gary pwedeng makiusap? Pwede ko ba siyang magamit mamaya sa storycon namin, doon sa ‘Batang Quiapo’?
“Kasi naiisip ko, parang siya ‘yung bagay doon sa seryeng gagawin namin, ‘yung ‘Batang Quiapo.’
“Sabi niya, ‘Sige! Go! Go!’ English pa ‘yun, huh!”natatawang sabi pa ni Coco.
“And after that, ang ginawa ko, pinatugtog ko.
“Sabi ko, ‘yan ang patutugin natin, habang naglalakad ‘yung cast.
“Nagulat sina Tita Cory (Vidanes), sir Deo (Endrinal).
“Sabi nila, in fairness sa ‘yo, nakapagpa-record ka agad.
“Sabi ko, ‘hindi! Hiniram ko lang ‘yan sa YouTube,” natatawang kuwento pa ni Coco.
Ayo pa kay Coco, noong nagkita ulit sila ni Gary V, tinanong niya ito kung ‘yung na-record na ba nitong Kapalaran ang gagamitin nila sa Batang Quiapo, o magri-record pa ito ulit? Ang sagot ni Gary ay gagawa na lang ito ng bago.
Kaya pala nang marinig namin ang Kapalaran ay ibang version na ito kompara sa rating Kapalaran ni Gary V.
Ang FPJ’s Batang Quiapo ay mapapanood na simula sa February 13, 8:00 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z,TV5, iWantTFC, and Kapamilya Online Live on ABS-CBN Entertainment’s YouTube channel and Facebook page.
Si Love Poe ang gaganap na leading lady ni Coco.
Kasama rin sa cast sina Charo Santos, Cherry Pie Picache, John Estrada,Pen Medina, McCoy de Leon, Alan Paule, Lou Veloso, Lito Lapid, Irma Adlawan, Mercedes Cabral at marami pang iba. Mula ito sa direksiyon ni Malu Sevilla at Coco Martin.