SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MABAGAL man ang pag-usad ng career ni LA Santos maituturing na blessings pa rin ang unti-unting pag-arangkada nito. Considering na sa limang taon pa lamang sa industry ay marami-rami nang achievement ang nakakamit. Ito’y dahil na rin sa pagtitiyaga at sipag. Katunayan hindi naman siya nawawalan ng proyekto, mapa-acting o concerts local o abroad.
At sa unang pagsabak niya sa pag-arte, agad napansin ang kanyang talento dahil nominado siya sa Philippine Movie Press Club Star Awards bilang Best New Male Personality sa pagganap niya sa Ang Sa Iyo Ay Akin ng ABS-CBN.
Ang Ang Sa Iyo Ay Akin ay isang drama series na pinagbibidahan nina Jodi Sta. Maria, Iza Calzado, at Sam Milby. Naging parte si LA ng hit teleserye’s Season 2. Ginagampanan niya ang karakter ni Alfred Vega, biktima ng bullying.
Sinabi noon ni LA na talagang pinaghandaan niya ang karakter na ibinigay sa kanya sa seryeng ito. Napapanood sa kasalukuyan ang serye sa Netflix na may international title na The Law of Revenge.
Nasabi rin ni LA na nag-eenjoy siya sa pag-arte kaya naman looking forward pa siya sa maraming projects at talagang pinaghuhusayan niya ang anumang trabahong ibinibigay sa kanya.
“Na-attach po ako mismo sa art of acting,” anang singer/actor na si LA na nag-eenjoy sa iba-ibang karakter na ibinibigay sa kanya.
Pagkaraan ng Ang Sa Iyo Ay Akin, kasama rin siya sa Darna na gumaganap siya kasama sa paramedic team. Dito’y nakakatrabaho naman niya sina Joshua Garcia, Janella Salvador, at Jane De Leon.
Bukod sa career-defining techniques mula sa mga acting experts, pinahahalagahan ni LA ang advice sa kanya ng bida sa Ang Sa Iyo Ay Akin na si Jodi, “Huwag na huwag mong kakalimutan bakit mo ito ginagawa.” Kaya naman laging grounded at true to his core si LA.