NOON pa man malaki na ang paghanga namin kay Chai Fonacier sa mga napanood naming pelikula niya tulad ng Patay na si Hesus at Respeto kaya naman hindi na kami nagulat nang hindi siya nagpahuli ng aktingan sa French actress na si Eva Green sa international psychological suspense-thriller movie na Nocebo.
Sabi nga namin, ‘magaling talaga si Chai.’
Ang Nocebo ay isang Latin word na ang ibig sabihin ay “I shall harm” o “makapanakit” sa Tagalog. At ‘yan ang tema ng pelikula ni Chai na na kasama ring gumaganap ang British actor na si Mark Strong.
Ang pelikulang Nocebo ay tungkol sa OFW na si Diana (Chai) na natanggap na yaya sa isang pamilya mula sa Dublin, Ireland. Sa pagdating niya roon, malalaman niya na ang amo niyang babaeng si Christine, isang fashion designer, ay tatamaan ng misteryosong sakit.
At dahil may taglay na kapangyarihang manggamot, tinulungan ni Diana si Christine para magamot ang hindi matukoy na sakit nito.
Ngunit walang kaalam-alam ang pamilyang pinaglilingkuran ni Diana sa tunay na dahilan kung bakit siya napadpad sa bahay na iyon. Siyempre, hindi na namin ikukuwento ang nakakalokang twist at ending ng Nocebopara mag-isip at magulat kayo sa mangyayari.
Sinabi naman ni Chai nang makapanayam namin ito sa isinagawang advance screening sa Shangri-La Plaza Mall na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang nakatrabaho niya sa isang proyekto sina Eva Green at Mark Strong.
“During rehearsals, I would forget that I’m part of the scene, kasi it’s such a joy watch them work,” ani Chai na sa kanya umikot ang kuwento bilang isang albularyo.
Ani Chai malaking tulong sa kanya ang pagiging bukas niya sa mga traditional healing practices tulad ng hilot at tawas.
“I grew up with that kind of stuff. I think a lot of Filipinos grew up with that sort of stuff na kapag nilalagnat ka, ‘yung nanay mo, bibigyan ka ng gamot pero tatawagin din niya ‘yung local manghihilot just to make sure na normal na lagnat siya at hindi dahil sa white lady sa may punong mangga,” kuwento ni Chai.
Sa labas ng sinehan ay nakatawag pansin ang mga naka-display na vodoo doll na ginamit palang props sa pelikula.
“The props outside are the actual props that we used for Diana (pangalan ng karakter niya) in the film and they were sourced in places like Quiapo, which means they are actual items that practitioners use.
“We also consulted a local shaman about how to handle these things because you’re not going to lose anything, to take extra precautions.
“There was another item where we were instructed specifically not to bring along with us if we’re going to pass by a cemetery.Huwag daw idadaan sa sementeryo.
“So the production design came in Ireland, ‘Okay, let’s check the routes really quick,’ from the unit base to the location we’re shooting at, and they said ‘We have checked, there are no cemeteries in any of the routes that we’re taking,’” pagbabahagi pa ni Chai.
Nakatitiyak kaming mapapansin din ang acting ni Chai ng mga international award-giving body.
Ang Nocebo ay idinirehe ng award-winning Irish filmmaker na si Lorcan Finnegan. At mapapanood na ito sa mga sinehan nationwide simula sa January 18, produced ng Brunella Cocchiglia at Emily Leo, co-produced ng Epicmedia ibinabahagi ng TBA Studios.