SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MAG-CLASSIFY at magbigay ng ratings. Ito ang iginiit ni Chair Lala Sotto ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa katatapos na seminar nila, ang Usapang Responsableng Panonood (RP) at Parental Control na isinagawa sa Luxent Hotel sa Quezon City.
Anang MTRCB chairperson, ang trabaho ng kanilang ahensiya ay mag-classify at magbigay ng ratings sa mga TV show at pelikulang sumasailalim sa kanilang review at hindi censorship tulad ng paniwala ng marami.
Inamin ng MTRCB na sa pagsulpot ng maraming online streaming platforms bukod sa Youtube at ibang social media apps, mahirap o imposibleng mabantayan nilang lahat ng napapanood dito lalo na ng mga bata na kanilang pinoprotektahan laban sa karahasan at sekswalidad na panoorin na makaaapekto sa kainosentahan ng kanilang pag-iisip.
Kaya sa pamamagitan ng naturang seminar inaasahan niyang mas lalawak ang kaalaman at makatutulong ito para ipagpatuloy ang kanilang adbokasiya na naka- focus sa empowerment ng Filipino viewers sa pamamagitan ng media at digital literacy.
Kasama sa seminar ang mga magulang lalo’t tinatalakay ang Responsable Panonood, na isa sa dapat gampanan ng mga magulang sa paghubog ng kamalayan ng mga kabataan. Katulong ng MTRCB ang mga magulang para makapagbigay gabay sa ratings at klasipikasyon, subalit ang mga magulang pa rin ang may responsibilidad na gumabay sa kabataan.
Kasama ring nagbigay ng kaalaman sa seminar si Ruben Hattari, Southeast Asian Director of Public Policy ng Netflix sa in-app at web based parental control features na maaaring magamit ng mga magulang upang mas paigtingin ang pagbabantay sa panonood ng mga kabataan.
Sa mga susunod na MTRCB Usapang RP at Parental Control event, inaasahan ng board na makikipagsanib-puwersa sa iba’t ibang video on demand providers, lokal man o foreign upang ma-highlight ang kanilang sariling parental control features na may layuning protektahan ang kanilang mga subsriber.