SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
SA maikling panahon na nagkatrabaho sina OWWA Administrator Arnell Ignacio at Deputy Administrator for Operations na si Mary Melanie “Honey” Quiño, unti-unting nabuo ang magandang samahan nila dahil nagkakasundo sila sa iisang layunin at iyon ay ang kapakanan ng ating mga OFWs.
Dating Deputy Administrator ng OWWA si Arnell bago naupong Administrator samantalang si Atty. Honey naman ay ang COO o Chief Operating Officer ng AQ Prime App. na kilala sa paggawa ng napakaraming pelikula na iba-iba ang tema at ilan dito ay mga award-winning films sa ilang international filmfestival abroad.
Nais ng dalawa na mapabilis pa ang serbisyo ng OWWA sa ating mga kababayan abroad at masagot ng mabilisan ang kanilang mga problemang kinahaharap, kaugnay man ito sa kanilang mga trabaho o problemang legal.
Maraming proyekto ang OWWA na lalo pang pinaigting ng dalawa tulad ng OWWA Cares Hotline na 1348 na bukas 24 hours, ang Parokya ni OWWA na inaabot ang mga barangay sa buong bansa upang pangalagaan ang mga pamilyang naiwan ng ating mga OFWs at makapagturo ng tamang impormasyon sa mga nagbabalak umalis ng bansa at magtrabaho abroad.
Nandyan din ang iba’t ibang scholarships program ng OWWA na kamakailan ay nakapagpatapos ng maraming anak ng OFWs mula sa iba’t ibang pamantasan sa buong bansa at naka-graduate with Latin honors.
Talaga ngang masasabi na perfect combination ang dalawang magiting na public servants dahil napakarami pa nilang mga proyekto na gagawin sa susunod na taon gaya ng pag-revive ng Hatid-Saya at ang pagbubukas ng Migrant’s Brew coffee shop sa lobby ng OWWA. Lahat ng mga pumupuntang OFWs sa OWWA ay makaa-avail ng libreng coffee at snacks habang naghihintay maproseso ang kanilang mga papeles at concerns.
Kaabang-abang ang mga proyekto nina Admin Arnel at DA Honey na iisa ang common denominator, ito ay ang ikabubuti ng kalagayan ng ating mga OFWs kasama ang kanilang mga naiwang pamilya sa Pilipinas.