SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
DINOMINA ng SB19 at Ben&Ben ang katatapos na Awit Awards 2022 kamakailan na isinagawa sa Newport Performing Arts Theater, Pasay. Pitong award ang nakuha ng SB19 samantalang lima naman ang sa Ben&Ben.
Nakuha ng P-pop powerhouse SB19 ang maraming award kasama ang Best Performance by a Group Recording Artist, Most Streamed Artist, at Best Pop Recording para sa Bazinga.
Lima naman ang nakuha ng indie folk-pop band na Ben&Ben kasama ang Album of the Year para sa kanilang 2021 release Pebble House, Vol 1: Kuwaderno.
Nagwagi naman si Zack Tabudlo bilang Song of the Year para sa Binibini samantalang ang Anticipation ngLeanne & Naara ang itinanghal na Record of the Year.
Nagwagi rin sina KZ Tandingan bilang Best Performance by a Female Recording Artist para sa kantang 11:59; Zild bilang Best Performance by a Male Recording Artist para sa kantang Kyusi. Wagi rin ang awitin ni Belle Mariano na Sigurado bilang Favorite Song at si Belle bilang Breakthrough Artist. Favorite Female Artist naman si Maymay Entrata, Favorite Male Artist si Darren Espanto, at Favorite Group ang BGYO.
Nanalo rin bilang Best Traditional/Contemporary Folk Recording ang Wag Kang Aalis ni Ice Seguera.
Napanood ang Awit Awards sa MYX Global’s YouTube channel na ang host ay sina Edward Barber at Samm Alvero. Nagbigay naman ng kanilang performances sina Paolo Sandejas, Sam Concepcion, Maymay, Janine Berdin, Lola Amour, ALAMAT at iba pa.