RATED R
ni Rommel Gonzales
MAGTATAPOS na ang Start-Up PH sa Disyembre at kung tatanungin si Yasmien Kurdi, isang Philippine adaptation ng isang Korean series ang gusto ulit niyang gawin at ito ang Hi Bye, Mama.
Ang Hi Bye, Mama ay tungkol sa isang ina na namatay dahil sa aksidente at naulila ang kanyang mister at anak na babae.
Sa kabila ng pagmu-move on ng lahat ng kanyang naiwan, hindi pa rin magawang talikuran ng pumanaw na ina ang kanyang mag-ama kaya binigyan pa siya ng 40 araw upang ayusin pa ang buhay ng kanyang pamilya.
Bakit iyon ang nais gampanan ni Yasmien na papel sa susunod?
“Parang nakare-relate ako kasi mayroon din siyang isang anak na babae, may asawa na siya, tapos parang naiisip mo siya, ‘Paano kung nangyari nga ‘yun?’
“Parang ang sakit for a mom na lahat naka-move on na tapos ikaw hindi ka pa rin maka-move on,” paliwanag ni Yasmien.
Samantala, patindi na nang patindi ang mga ganap sa Start-Up PH na hahantong sa bongga at pasabog na climax sa pagtatapos nito sa isang buwan.
Tuloy-tuloy ang mga eksenang kaabang-abang sa apat na karakter na sina Ina Diaz (Yasmien), Dani Sison (Bea Alonzo), Davidson Navarro (Jeric Gonzales), at Tristan Hernandez (Alden Richards).