BINALASA ni Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Andre P. Dizon ang tatlong pulis na naaktohang natutulog sa oras ng duty nitong Martes ng madaling araw sa Lawton Police Community Precinct (PCP) sa Ermita, Maynila.
Sa ulat, sinabing pagpasok ni MPD DD P/BGen. Dizon sa nasabing PCP ay inabutang nakaupo ngunit tila nasa kasarapan ng tulog ang tatlong pulis na isang patrolman at dalawang sarhento kabilang ang night shift duty desk officer.
Ang pagtulog habang nasa duty ng isang pulis ay nagpapahina umano sa mahigpit na direktiba na pagpapalakas ng presensiya ng pulisya sa lansangan lalo ngayong nalalapit ang kapaskuhan bilang pagtalima sa kautusan ni Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at SAFE NCRPO ni P/BGen, Jonnel Estomo.
“Kapag duty e duty! Kailangan nating maging alerto ngayong papalapit na ang kapaskuhan lalo sa oras ng gabi dahil diyan posibleng lumabas ang mga mapagsamantala para maghasik ng krimen sa kalsada. Sabi nga ni RD habang tulog ang ating mga kababayan dapat ang mga pulis ay gising na nagbabantay sa lansangan.”
Nabatid mula nang manungkulan bilang District Director ay nakaugalian ni Gen. Dizon ang ilang beses sa isang araw na pag-iikot sa kanyang area of responsibility (AOR).
Sa pag-iikot sa umaga, siya lulan ng bisikleta (Bike Patrol) at sa rush hour ay nakamotrsiklo kasama ang kanyang Tactical Motorcycle Response Unit (TMRU) na iniispatan ang latag ng pulisya sa lansangan partikular ang pagbabantay sa seguridad ng mga paaralan, pamilihan, business establishments, at komunidad.
Ang natiyempohang tulog na tatlong pulis ay nakita ni Dizon sa kanyang pag-iinspeksiyon sa iba’t ibang himpilan na regular niyang ginagawa tuwing madaling araw.
Kaugnay nito, mula sa Lawton PCP ay binalasa ang tatlo patungo sa bago nilang destino sa dulo ng Delpan Police Station 12.
Sa panayam kay Dizon, sinabi niya sa kanyang spot inspection and correction ay aabot sa 50 miyembro ng iba’t ibang presinto ang binalasa at sumailalim sa first offense nang makitaan ng pagkukulang sa pagtupad ng tungkulin.
“Naka 100 days na po tayo sa MPD pero may mga nahuhuli pa rin tayong tulog, minsan talaga aabutin rin ng antok kaya we have 2 strikes policy na atin pong inilatag sa pulisya pero kapag nakitaan ulit ng pagkukukang o pagkakamali sa pagtupad ng tungkulin ay atin nang papatawan ng karampatang parusa na makaaapekto rin sa kani-kanilang mga pamilya.”
Ayon kay Dizon, sa unang offense ng pulis-Maynila ay binabalasa niya o inililipat sa ibang presinto bilang “fair warning” upang hindi masampahan ng kasong administratibo na makaaapekto sa kanilang suweldo at bonus lalo ngayong panahon ng kapaskuhan.
“Salary forfeiture, mawawala rin ang bonus nila ‘pag nakasuhan sila na makaaapekto pati sa pamilya ng pulis, kawawa rin kaya’t two strike policy tayo, pero kapag naulit e pasensyahan na tayo,” pagtatapos ni Dizon.
Ang Lawton PCP ay nasasakupan ng MPD Ermita Police Station (MPD PS5) na may ilang bus terminals, mga opisina ng gobyerno, at ilang metro ang layo sa Manila city hall.
Sa sigasig ng bagong direktor ng MPD sa pag-iikot sa lungsod ay kusang nag-iinspeksiyon ang ilang station commanders sa kanilang mga PCP upang matiyak na alerto ang pulisya sa oras ng trabaho alinsunod sa programa ni Dizon. (BRIAN BILASANO)