IBINIHAGI ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang kanyang direktiba para sa pulisya ng Manila Police District (MPD) bilang pamamaraan upang mapaigting ang peace and order na kabilang sa prayoridad na programa sa lungsod ng Maynila.
Nais ni Lacuna, tutukan ang mga insidente ng crime against person lalo ang mga pag-abuso sa mga kababaihan at mga kabataan.
Batid ng punong alkalde ang problema sa ilegal na droga kaya’t iniatas niya kay MPD Director P/BGen. Andre P. Dizon na tugisin ng mga pulis ang mismong ‘source’ sa kalakaran ng droga upang mas mapadali at mailayo sa masamang dulot nito ang nga kabataan lalo ang mga kababayan nating salat na nga sa kabuhayan ay nasasadlak pa sa ilegal na droga.
Kaugnay pa rin ng peace and order, nabatid na rin na kasado na ang MPD para sa posibleng pagdagsa ng mga mamimili sa Divisoria at ipinaalala na bawal ang mga illegal vendors sa mga kilalang pamilihan sa mga kalye ng Carriedo, Blumentritt, at sa Divisoria.
“In general, maayos po ang performance ng MPD,” patapos na pahayag ni Lacuna. (BRIAN BILASANO)