SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NABALI ang desisyon ni Anthony Taberna na hindi na magbalik-telebisyon nang mag-offer ang All TV para simulan ang isang public service show, ang Kuha All.
Iginiit ni Ka Tunying (taguri kay Anthony) na ayaw na sana niyang mag-TV matapos mawala ang show niya sa ABS-CBN. Mas nais na sana kasing tutukan sana ng broadcast journalist ang kanyang pamilya.
Pero dahil malaki ang offer ng bagong network na ALLTV Channel 2 na pag-aari ng pamilya ni dating Sen. Manny Villar, tinanggap niya ang offer para sa Kuha All.
Huling show ni Ka Tunying ang Kuha Mo sa ABS-CBN noong 2020.
“Actually po, hindi naman po ako talaga gigil na gigil na magbalik talaga sa telebisyon,” aniya. “Dumating ‘yung pagkakataon na talagang sinabi kong ayoko na, eh. Gusto ko nang unahin ang pamilya ko, eh. Kasi, sobra pong exhausting ang magkaroon ng TV show/shows.
“Sobrang exhausting, sobrang time-consuming, sobrang stressful, kapag may mga gusto ka na hindi mo makukuha,” paliwanag pa nito.
Ang isa pang dahilan na medyo ok ang hindi mag-TV ay dahil maganda ang pagtanggap ng netizens sa kanyang YouTube channel at maayos din ang kanilang negosyo.
Kaya nang dumating ang offer ng AllTV at binigyan siya ng napakalaking offer, nasabi niyang, “Sabi ko ‘lakihan n’yo sweldo n’yo sa akin, kasi kung hindi n’yo lalakihan ang sweldo n’yo sa akin, eh magyou-YouTube na lang ako.’ Ayun, kaya nilakihan ‘yung ano (talent fee) ko.
“They gave me an offer that I couldn’t refuse. Eh sino naman ako para tumanggi?” giit pa ng brodkaster.
Pero bago pumasok sa eksena ang All TV may pag-uusap na silang nagaganap ng TV5.
“No offense but with the current plans ng AllTV ngayon, tingin ko, blessing in disguise na nandito po ako sa AllTV at hindi nagkatuluyan doon sa TV 5.
“Uulitin ko, no offense naman, ano? And I fully respect MVP (Manny V. Pangilinan of TV5) pero tingin ko ay may magandang dahilan kung bakit hindi kami nagkatuluyan and maybe this is for the good of everyone, lalo na sa career ko at sa management din ng AllTV. Napakagandang maging parte ng bagong Channel 2,” sambit pa ni Ka Tunying.
Ang Kuha All ay isang public service program na may kinalaman sa mga krimen o aksidente, anomalya o kahit anong mga interesting story na nahahagip o nakukunan ng camera.
Dahil public service ang bagong show ni Ka Tunying, paghahanda kaya ito sa pagpasok niya sa politika?
“I have had offers from all parties na yata in the past at tinanggihan po natin kahit wala tayong gagastusin para sa kampanya. Because wala po sa dugo ko ang politika,” aniya.
Sa Nov. 26 (Saturday), 5:00 p.m. na magsisimula ang pilot episode ng Kuha All at sinabi ni Ka Tunying na dapat agad tumutok ang netizens dahil pasabog iyon. Kaya pakaabangan.