SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAKAKA-PROUD ang Pinay actress na si Dolly de Leon dahil mahusay niyang nagampanan ang papel ng isang Pinay overseas worker sa isang luxury yacht sa Swedish film na Triangle of Sadness.
Ang Triangle of Sadness ang opening movie sa 10th QCinema International Film Festival nananalo ng Cannes Palme d’Or o Best Picture award.
Kasama ni Dolly sa Swedish film na mula sa acclaimed writer-director Ruben Östlund sina Harris Dickinson, Charlbi Dean, Woody Harrelson, Henrik Dorsin, Zlatko Buric, Iris Berben, Sunnyi Melles, Vicky Berlin, at Oliver Ford Davies.
Nakatutuwa ang karakter ni Dolly na akala namin noong una’y walang wawa o one of those lang. Pero umarangkada ito sa kalagitnaan. Isa pala ang karakter niya na mahalaga para mabuo ang istorya hanggang sa nakalolokang ending nito.
Sa totoo lang karapat-dapat talagang bigyan ng pagkilala si Dolly dahil napakahusay niyang nagampanan ang kanyang role. Kaya hindi kataka-takang binigyan siya ng standing ovation nang ipalabas ito sa opening ng 10th QCinema sa Gateway Cineplex sa Araneta City, Cubao QC.
Hindi lang kasi special participation ang aktres dahil siya pala magdadala ng kuwento at bubuo ng kuwento.
Napag-alaman naming umuwi pa si Dolly sa bansa para lamang dumalo sa naturanf sa Philippine premiere ng pelikula. Sabi nga ni Ms Dolly sa isang interbyu sa kanya, “I really wanted to be here para maramdaman ko ang reaksiyon ng mga kababayan natin. It was my choice to be here.”
Nasa Amerika si Dolly para sa producers’ campaign para mapansin ng mga miyembro ng Academy Awards at mapili siya para maging finalist sa 2023 Oscar Best Supporting Actress category.
Samantala, ibinabahagi ni Dolly ang natanggap na papuri sa co-star niyang si Charlbi Dean na pumanaw noong August sa New York, “I also thank her and pay tribute her. She was a dear friend.”
Mapapanood ang second screening ng Triangle of Sadness para sa QCinema filmfest sa November 21, sa Power Plant Cinema sa Rockwell, Makati City. Sa November 30 naman ang regular showing nito sa mga sinehan nationwide na exclusively distributed ng TBA Studios.