SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
TULOY na tuloy na ang ikalimang edisyon ng The EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) na magaganap sa November 27 sa Metropolitan Theater (MET).
Ito ang pagbabalik ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) sa face-to-face event matapos ang virtual na pagdaraos ng 4th EDDYS nitong nagdaang 2021.
Ang OPM icon at premyadong singer-songwriter na si Ice Seguerra ang magdidirehe ng ikalimang edisyon ng The EDDYS. Siya rin ang nagdirehe ng 4th EDDYS last year.
Samantala, ang award-winning TV personality na si Boy Abunda naman ang magsisilbing host ng taunang pagbibigay ng parangal ng SPEEd.
Ngayong 2022, magtatagisan ng galing at husay ang mga de-kalibreng pelikulang Filipino na ipinalabas sa iba’t ibang platforms noong nakaraang taon.
May 14 kategorya na paglalabanan ang mga napiling nominado, kabilang na ang Best Picture, Best Director, Best Actress, at Best Actor.
Katuwang ng SPEEd sa pagdaraos ng 5th edition ng Entertainment Editors’ Choice ang Fire And Ice Media and Productions, Inc., ang kompanyang itinatag ng mag-asawang Liza Diño at Ice Seguerra.
Makikipagtulungan din sa awards night ng SPEEd ang Globe Telecom bilang partner sponsor, at sa kind support ng JFV Rice Mill at ni Bataan Rep. Geraldine B. Roman.
Tulad ng mga nakaraang taon, ang auditing firm pa rin nina Juancho Robles (Chan Robles & Company, CPAs) ang mamamahala sa pagbibilang ng mga boto para sa 5th edition ng The EDDYS.
Sa susunod na linggo, ihahayag naman ng SPEEd ang kompletong listahan ng mga nominado sa acting at technical categories pati na ang mga special award.
Bukod sa Isah V. Red Award na ibinibigay ng SPEEd bilang pagkilala at pag-alala sa yumaong founding president ng grupo na si Isah V. Red, sa mga natatanging indibidwal mula sa iba’t ibang larangan, nariyan din ang EDDYS Icon awardees.
Abangan din kung sino-sino ang mga recipient ngayong 2022 ng EDDYSspecial awards na Joe Quirino Award, Manny Pichel Award, Rising Producers’ Circle, at Producer of the Year.
Ayon sa bagong pangulo ng SPEEd na si Eugene Asis, entertainment editor ng People’s Journal, asahan ang mas kapana-panabik at mas matinding labanan ng mga natatangi at de-kalidad na pelikula sa 5th EDDYS.
Ang pagbibigay-parangal ng SPEEd ay isang paraan para hikayatin, lalong pataasin ang morale at patuloy na magbigay-inspirasyon sa Filipino filmmakers, producers, writers, actors at iba pang kasama sa pagbuo ng isang matino at de-kalidad na pelikula.
Ang SPEEd ay samahan ng mga entertainment editor ng major broadsheets at tabloids sa bansa.