Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
MAHABA ang proseso ng imbestigasyon sa pagpatay sa broadcast journalist at kolumnistang si Percival Mabasa, mas kilala bilang Percy Lapid.
Ang mga hawak na suspek ay isa-isa nang sumasailalim sa interogasyon ng mga awtoridad na humahawak ng kaso.
Hindi natin alam kung sisigaw ang mga hawak na suspek kung sino-sino, bukod kay Lapid ang kanilang itinumba, karamihan ay mga may pangalan sa kani-kanilang industriya. Malalaman din kung sino ang mga utak.
Noon pa man, uso na ang magpalabas ng preso para pumatay, pero ngayon kakaiba na, ang mga nakakulong na ang mga may galamay sa labas na kanilang utusan.
Sabi nila, ang National Bilibid Prison (NBP) ay isang impiyerno sa buhay ng isang preso, dahil lahat ng kasamaan ay nasa loob ng bilibid, sugal, droga, at prostitusyon.
Speaking of droga, naririyan ang malalaking drug lords, ‘yung isa na mga dayuhan ay inilipat sa Iwahig, pero ‘di pa rin nasusugpo dahil ang mga galamay naiwan at sila ang nag-o-operate. Lahat yata ng naupong direktor ng NBP ay naging milyonaryo.
Meron akong kontak na kalalaya lang, sabi niya, mas gusto raw nila sa loob ng Bilibid dahil nagkaroon siya ng maraming pera pagkatapos ng dalawang taon niya sa loob ng NBP ay nakalaya siya.
Ayon sa kanyang kuwento, nakabili siya ng motorsiklo, isang sasakyang adventure at natalo siya sa Casino ng dalawang milyong piso. Ang raket daw niya ay utusan lang siya ng mga drug lords sa NBP para maghatid ng ilegal na droga sa kanilang selda, at may blessings iyon ng mga prison guard kaya mula sa kanyang selda ay malaya siyang nakapagde-deliver ng droga. Hindi ito kuwentong kutsero, totoong totoo ito mga kaibigan.
‘Yung kaso ni Lapid, medyo matatagalan pa, ‘di lang natin alam kung buhay pa ang tunay na utak na kumausap sa mga nahuling suspek.
Kaya ‘pag nangyari ito, nabulgar lamang ang katiwalian sa loob NBP na dapat nang matigil.