YANIG
ni Bong Ramos
DESPERADO na umano si dating Bureau of Correction (BuCor) Director Gen. Gerald Bantag batay sa ginawang pahayag nito sa ilang mamamahayag kamakailan.
Sinabi ni Bantag na siya raw ay lalaban at hindi pahuhuli nang buhay kung sakaling siya raw ay aarestohin hinggil sa Percy Lapid murder case.
Ayon sa Heneral, siya raw ay pinag-iinitan at sini-single-out sa imbestigasyon na isinasagawa ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).
Hindi raw fair and square ang laban kung kaya’t buo na daw ang kanyang desisyon na lumaban hanggang sa mamatay kaysa sumuko.
Bukod dito, siya raw ay sinuspendi nang walang basehan. Itinuturo niya ang mga drug lord at ilang dilawan na nasa likod ng pagkakasibak sa kanya.
Ito raw ang mga dialog ng mga taong sukol at bistado na ang ginawang kalokohan. Wala na talagang ibang rekurso kundi ang magpahayag ng walang kawawaan.
Mantakin mong bumoka ka at magdeklara ng ganoong desisyon, ganito ba magdeklara ang isang 4-star general?
Sa kasalukuyan, siya umano ang lumalabas na prime suspect at mastermind sa pagpaslang sa beteranong broadcaster na si Lapid sa Las Piñas City.
Kung sa bagay, lahat naman ng angulo at aspekto sa ginagawang imbestigasyon ay nandoon ang posibilidad ng kanyang partisipasyon.
Talaga namang kuwestiyonable ang mga kaganapan tulad na lang sa pagpatay sa middle man na si Crisanto Villamor sa kanyang selda sa maximum security ng New Bilibid Prison (NBP).
Unang idineklara na si Villamor ay namatay sa natural death (bangungot) taliwas sa ginawang eksamin ni forensic expert Dra. Rachel Fortun na sadyang pinatay matapos sakluban ng plastic ang mukha hanggang maubusan ng hangin.
Iisa rin ang ginawang testimonya ng tatlong inmate na nagsasabing ang order daw sa pagpatay kay Lapid ay galing sa office (BuCor).
Ito rin ang konteksto ng huling text ng middle man sa kanyang kapatid na si Marissa ilang oras bago matagpuang patay.
Si Bantag ay sinasabing malapit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na siyang nagtalaga sa kanya bilang BuCor Director.
Pinaniniwalaan din na itong si Bantag ay may blessing at blanket authority kay PRRD sa anomang desisyong gagawin niya sa NBP tulad ng mga misteryosong pagkamatay ng mga high-profile inmates, no questions asked, basta namatay… tapos.
Kung may tokhang at order sa mga pulis na kill, kill, kill sa mga drug pusher at anomang drug-related case, gayondin malamang ang utos kay Bantag.
Sa huling pahayag ni Gen. Bantag, sinabi niya na iba raw ang patakbo ni dating Pangulong Digong kung ikokompara sa kasalukuyang administrasyon.
Inamin din niyang siya ay kumukuha ng kamandag at lakas ng loob kay PRRD sa lahat ng kanyang desisyon at gagawin, siyempre boss mo iyan, ‘di po ba?
Weather-weather lang iyan Heneral, tapos na ang administrasyon ninyo kung kaya’t hayaan mo namang magkaroon ng tsansa ang iba para ipatupad ang gusto nilang kalakaran. Walang forever sa buhay. He he he…
Malaki nga ang posibilidad na tukoy na ang mastermind sa Lapidmurder case. Diyan na kaya matatapos ang eksena o baka naman meron pang isang malaking tao sa likod ng telon na walang ibang ginagawa kundi kumumpas.
Anoman ang maging resulta, hindi ito basta-basta palalagpasin ni DOJ Secretary Boying Remulla, heads will roll, ‘ika nga.