Sunday , November 17 2024
Joshua Mendoza

Joshua Mendoza nakamamangha galing sa piano

SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio

TUNAY na nakamamangha ang galing ni Ralph Joshua Mendoza na kamakailan ay itinanghal na 1st placer sa isang piano international competition. Sa edad 18, puwede na siyang ihilera at ilaban sa mga magagaling na pianista.

Nakausap namin si Ralph Joshua noong Sabado at naikuwento nitong seven years old pa lang siya’y nahilig na sa pagtugtog ng piano.  Bagamat iniwan sandali ang hilig na ito para mag-focus sa pag-aaral nang balikan nama’y agad napalaban sa piano international competition abroad.

At para mas madagdagan ang kaalaman sa pagtugtog ng piano, kumuha siya ng Masterclass  sa Piano Academy of Bangkok noong 2022 at mentor niya sina Heliodoro Fiel at Mayden Ong.

Hindi nga matatawaran ang recognition na nakuha ni Ralph Joshua dahil bukod tanging nag-iisang Filipino na sumali sa Shanghai International Music Competition. Mayroong1,600 kasali sa kompetisyon, mula sa 22 bansa at nakuha niya ang 1st place . O ‘di ba naman talagang mamamangha ka sa galing niya. 

Ani Joshua, may upright piano sila noong bata pa siya na ang paniwala niya’y display lang pero nang subukan niyang tugtugin ay nagustuhan na niya. “Bale nagkaroon po ako ng piano teacher 7 yrs old pa lang ako pero natigil nga po tapos binalikan ko ‘yung pagtugtog noong 14 years old ako. 

Kaya ako bumalik sa pagpa-piano dahil sa pandemic. Naghanap ako ng rason para maging productive and to make the most out of my time,” kuwento ni Ralph Joshua na classical music ang tinutugtog.

Noong una naghahanap ako ng madadaling pop music na kanta then noong naging advance na ang technique na naaaral ko, nag-aral na ako ng classical music. Influence ko bilang composer si Frederic Chopin dahil sa romantic era dahil mas may emotion. Ang second inclination ko ay ang Filipino composer na si Francisco  Buencamino,” pagbabahagi ni Joshua.Si Chopin ay isang Polish composer at virtuoso pianist ng Romantic period. Si Buencamino naman ay mula sa pamilya ng mga musikero na ang dunong sa pagtugtog ng piano ay mula sa kanyang amang si Fortunato, isang church organist at band master. 

Bago ang mga kompetisyon abroad, sumasali na si Ralph Joshua sa mga recital dito sa Pilipinas. At pagkaraan ay sa mga kompetisyon noong nag-aaral na siya ng mga advance na piyesa.

Pinaka-memorable competition kay  Ralph Joshua ang naganap sa Kuala Lumpur Malaysia, ang China Shanghai  International Piano Competition 2022, na 22 countries ang kalahok at nag-iisa siyang Pinoy na kasali. “Live competition kasi ito iba ang pressure, tapos 1st place pa ako,” masaya at proud na pagbabahagi ng binatilyo na ang tinugtog niya ay ang piyesa ni Chopin, ang Grande Valse Brillante.

Pero bago ang mga panalong ito, kasama sa mga achievement ni Ralph Joshua ang pagkapanalo sa Chopin Avenue Piano Competitoon 2021 sa Hongkong na ginawaran siya ng Consul General Awardee; Rocky Mountain Piano Competition (Fall 2021) sa Toronto, Canda bilang Honorable Mention; Red Maple Music Competition 2021 sa Ontario, Canada, 3rd placer; Golden Piano Talents International Competition 2021 sa Macedonia, Europe, 2nd placer; Chicago Piano International Competition 2021 sa USA, Honorable Mention; Tchaikovsky International Piano Competition 2021 sa Russia, Diploma of Juries Choice Award; at ang Shanghai International Piano Competition 2022 sa Kuala Lumpur, Malaysia, 1st placer 

Tunay na maipagmamalaki ang galing ni Ralph Joshua ng mga Filipino dahil bitbit niya ang bandila ng Pilipinas sa bawat pagsali niya sa mga kompetisyon.

Sa murang edad, lakas ng loob at talino sa musika ang dala ni Joshua kasama ang suporta ng inang si Gng Aileen Maguddatu Mendoza  sa iba’t ibang kompetisyong sinasalihan niya. 

Preliminaries pa lang ang kompetisyon kaya sa 2023 na magaganap ang grand finals sa Mainland China kaya naman ito ang gusto niyang bigyang focus bago mag-participate sa ibang competition.

Naikuwento pa ni Joshua na isa sa nahirapan siyang pag-aralan ay ang piyesang tinugtog niya sa kompetisyon, ang Grande Valse Brillante. “Fundamentally mahirap siyang tugtugin at kulang pa ang isang taon para ma-perfect. Pero half a year ko siyang inaral talagang mabuti. Ang mahirap kasi rito ‘yung talon, from one note to another, mabilis talaga siya,” ani Joshua.

Ang isa pang kahanga-hanga kay Ralph Joshua, kahit abala siya sa kanyang piano competition, hindi niya pinababayaan ang pag-aaral. Nasa 1st year college siya sa San Beda University sa kursong Legal Management. 

Plano ko mag-law at gusto kong maging abogado talaga kaya hindi ko pinababayaan ang pag-aaral ko. Realistically parang hindi pwedeng pagsabayin ‘yung pagiging abogado at pagtugtog ng piano o pag-compete,” sambit pa ni Joshua.

Natanong namin kung ano ba ang nakukuhang satisfaction sa pagtugtog ng piano, at ang sagot niya, “Kapag natutugtog nang maayos iyon ang nakukuha kong satisfaction dahil sa ilang oras o araw kong practice, ‘yung pagod na nakukuha from college then mag-piano right after, iba talaga ang sense of fulfillment kapag natugtog ko siya nang maayos,” pagbabahagi pa ni Joshua na ayaw paghaluin ang buhay pianista sa academic niya dahil mas gusto niyang makilala sa academic excellence at hindi sa galing tumugtog ng piano.

Sa huli nais pa ni Joshua na sumali sa iba’t ibang klaseng competition abroad. ‘’’Yung level up competition na po, international at local dito sa atin kasi hindi ko pa nata-try dito sa Pilipinas dahil bihira lang ang piano competition dito sa atin.”

About Maricris Valdez Nicasio

Check Also

Robbie Jaworski Andres Muhlach

Robbie Jaworski pantapat ng ABS-CBN kay Andres Muhlach ng TV5

HATAWANni Ed de Leon UY pumasok pala sa ABS-CBN si Robbie Jaworski, anak nina Dudot Jaworski at Mikee Cojuangco na mukhang …

Dominic Pangilinan Paul Singh Cudail Ako Si Juan

Direk Paul Singh Cudail, balik pelikula via ‘Ako Si Juan’

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio NAGSIMULANG maging direktor ng pelikula Paul Singh Cudail noong 2011. …

BingoPlus Miss Universe 1

BingoPlus Stands as the Official Livestreaming Partner in the Philippines for the 73rd Miss Universe

BingoPlus, your comprehensive entertainment platform in the country, is proudly supporting the upcoming 73rd Miss …

Tom Rodriguez

Tom sa pagkakaroon ng anak: Napakasarap palang maging isang ama

RATED Rni Rommel Gonzales NAPAKAGWAPO ng anak ni Tom Rodriguez. Very proud siya na ipinakita mismo …

Lala Sotto-Antonio MTRCB ICC

Responsableng Panonood ng MTRCB pinuri sa ICC, Bangkok

BINIGYANG-DIIN ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio na obligasyon ng mga …