SWAK sa kulungan ang apat na lalaki kabilang ang isang Chinese national nang arestohin ng mga awtoridad dahil sa pagdukot sa isa pang Chinese national, nitong Lunes ng gabi sa lungsod ng Parañaque.
Nasa kustodiya ngayon ng pulisya ang mga suspek na sina Qiang Wang, 34 anyos, isang Chinese national; Norvin Yusuff, 42, personal assistant/driver; Joseph Barbas, 45, at Niño Felisan, 30.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) P/BGen. Kirby John Brion Kraft ang biktima na si Chen Peng, Chinese national, 27 anyos, ng Solemare Tower D, Barangay Tambo, Parañaque City.
Base sa ulat na nakarating sa tanggapan ng SPD, naganap ang insidente 9:10 pm sa panulukan ng Bradco at Macapagal Boulevard, Barangay Tambo, Parañaque City.
Nabatid, nagtungo ang kapatid na babae ng biktima na si Wang Ting sa himpilan ng pulisya upang
i-report na dinukot ito ng apat na lalaki sa nabanggit na lugar at isinakay sa isang metallic gray Toyota Hi-Ace, may plakang IAD 774.
Dahil dito, dali-daling nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Parañaque City Police at dito nailigtas ang biktima at nahuli naman ang apat na suspek.
Dinala ang apat na suspek sa Sub-Station-2 ng Parañaque City Police.
Nagpasalamat si P/BGen. Kraft sa kanyang mga tauhan dahil sa pagkakahuli sa apat na suspek. (GINA GARCIA)