ILALAGAY sa entry at exit point ng New Bilibid Prison (NBP) ang karagdagang K9 Dog, ayon kay Officer-In- Charge, Bureau of Correction (OIC-BuCor) Director General Gregorio Catapang.
Inihayag ito ni Catapang at sinabing uunahin niya ang repormasyon at mahigpit na panuntunan sa loob at labas ng BuCor.
Sa isang press conference sa BuCor ng kauupong Director General, tumanggi siyang magbigay ng pahayag ukol sa pagkakasangkot ng isang inmate na sinabing ‘middleman’ sa pagpatay sa beteranong broadcast journalist na si Percival mabasa, mas kilala bilang Percy Lapid.
Susuporta umano siya sa isinasagawang imbestigasyon sa kaso ng Lapid murder case.
Binigyan diin ni General Catapang na magdaragdag siya ng k9 dog para ilagay sa entry at exit point ng NBP.
Ayon kay Catapang, hindi marunong magsinungaling ang aso at hindi rin umano nasusuhulan, at ito’y uupo at uupo kung may maamoy itong kontrabando partikular ang baril, bomba, at ilegal na droga na tangkang ipuslit sa loob ng NBP.
Malaking hamon sa kanya na mailagay ng kanyang batchmate na si Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla sa BuCor para tumulong sa bagong administrasyon para maresolba ang problema sa loob ng Bilibid.
Uunahin umano ng opisyal ang patas at pantay na pagtrato sa persons deprived of liberty (PDLs) anooman ang katayuan at estado sa buhay upang pangalagaan at protektahan ang kanilang mga karapatan at interes.
Isusulong ni Catapang ang mataas na pamantayan ng mga serbisyo sa pagwawasto. Pagkamakatarungan sa pagtrato hindi lamang sa mga tauhan kundi pati sa mga PDL. (GINA GARCIA)