DIALOG sa media outfits ang plano ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos, Jr., upang matalakay ang mga pangamba at concerns hinggil sa ginawang home visits ng mga pulis sa tahanan ng ilang mamamahayag kamakailan.
Ayon kay Abalos, maglalabas ang ahensiya ng proseso at magpa-publish ng hotline kung saan maaaring ipaabot ng media practitioners sakaling makatanggap ng posibleng banta sa kanilang buhay.
Maaari anilang gumawa ng liham na naka-address sa concerned PNP units kung nais nilang magkaroon ng security personnel mula sa pulisya.
“Ipapapakita namin ang proseso, ipapakita namin ang tao, kung ano ang hotline namin, kung ano ang dapat gawin at kung talagang may threat sumulat lang kayo at kung kailangan ninyo ng mga police security ibibigay po namin ito.
“‘Yun po ang commitment ng PNP, ‘yun ang commitment ng DILG sa lahat po ito, at ‘yun ang gusto namin, magkaroon tayo ng dialogo tungkol dito. Pinagawan ko ‘yung sulat the other day, kahapon siguro ito ay i-distribute na,” ani Abalos.
Matatandaang pumalag ang ilang mamamahayag nang ilang nakasibilyang pulis ang bumisita sa kanilang mga tahanan kamakailan.
Kaagad dumepensa ang Eastern Police District (EPD) at sinabing malinis ang kanilang intensiyon sa house visit at ito’y pagpapakita ng kanilang tunay na malasakit para sa kapakanan ng mga mamamahayag. (ALMAR DANGUILAN)