IPINAKOKOMPIRMA ng militar kung kasama ang mag-asawang Benito Tiamzon at Wilma Tiamzon sa mga namatay sa sumabog na bangka sa Catbalogan City, Samar, kahapon.
Sinabi ni 8th Infantry Division (8ID) of the Philippine Army (PA) commander Maj. Gen. Edgardo De Leon, naganap ang insidente dakong 4:20 am sa bisinidad ng Catbalogan City at Buri Island.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga elemento ng Joint Task Force (JTF) Storm, may 10 armadong tao ang sumakay ng motorbanca, may kargang mga kahon na hinihinalang may lamang pampasabog sa dalampasigan ng Calbayog upang tumakas sa operasyon ng military.
Ani De Leon, naging puspusan ang taktikal na opensiba ng militar laban sa mga komunistang grupo sa Northern Samar hanggang sa tri-boundary ng Western Samar at Eastern Samar mula noong Pebrero 2022 kaya’t napilitan silang hatiin sa maliliit na grupo ang kanilang pangkat at lumipat sa ibang probinsiya.
“Kaninang madaling-araw, na-alert ‘yung aming scout boats ng Special Forces kasi mayroong report na apparent movement of a group of NPA [New People’s Army] na papalabas sa dagat,” ani De Leon.
Nagpakalat aniya siya ng isang pangkat ng Special Forces na may dalang night vision goggles upang arestohin ang mga kahina-hinalang indibidwal.
Nagpang-abot aniya ang dalawang grupo at gamit ang megaphone ay nagbabala ang isang sundalo sa mga nakasakay sa motorbanca na iinspeksiyonin sila pero biglang pinaulanan ng bala ang mga sundalo kaya’t napilitan silang gumanti ng putok.
Sa kasagsagan ng bakbakan, isang napakalakas na pagsabog ang yumanig sa motorbanca na nagkapira-piraso.
“Hindi namin maano kung deliberately done o tinamaan ng rifle grenade ng tropa. Puro debris na,” ayon kay De Leon.
Inaalam aniya ang pagkakakilalanlan ng mga namatay na suspek at kung kasama sa kanila ang mag-asawang Tiamzon.
May mga indikasyon umano na ang Tiamzon couple ay nasa Samar lalo na’t noong Marso 2022 ay nadakip ng militar ang dalawa umanong miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP) – OPA Central Committee na sina Esteban Manuel at Leonardo Bernardo.
“Those are the incidents na nagbibigay ng indicators na baka nasa Samar ang national leadership so kasama sila [Tiamzon couple] sa pinagsususpetsahang nandito sa Samar,” ani De Leon.
Si Benito ay consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at pinaniniwalaang chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA).
Habang ang kanyang esposa na si Wilma ay pinaniniwalaang Secretary General ng CPP-NPA.
Matatandaan, noong 12 Agosto 2016, pinayagan ni Manila Regional Trial Court Branch 32 Judge Thelme Bunyi-Medina na makapaglagak ng piyansa sina NDF consultants Adelberto Silva, mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, at Rafael Baylosis para makalahok sa usapang pangkapayapaan sa Oslo, Norway.
Bilang matataas na pinuno ng Communist Party of the Philippines (CPP), may estratehikong papel sila sa peace talks na inaasahang magbubunga sa posibleng pagwawakas ng armadong tunggalian na magdudulot ng komprehensibo at ganap na kapayapaan sa bansa na isinusulong ng administrasyong Duterte.
Ngunit makaraan ang ilang buwan, ipinatigil ni noo’y Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks kaya’t kinansela ng hukuman ang piyansa ng NDF consultants kaya nagtago na ang mag-asawang Tiamzon. (ROSE NOVENARIO)