ni ROSE NOVENARIO
“THAT’S not his signature.”
Ito ang tahasang pagkakaila ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa lagda ni Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian para kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa dokumentong nagbigay ng basbas sa pag-angkat ng may 300,000 metriko toneladang asukal ng Sugar Regulatory Administration (SRA).
Si FM, Jr., pangulo at kalihim din ng Department of Agriculture ay nagsisilbi bilang SRA board chairperson.
Walang paliwanag si Angeles kung sino ang nag-utos kay Sebastian upang pumirma sa dokumento para sa Punong Ehekutibo.
Ayon kay Angeles, ibinasura ni FM Jr., ang panukalang mag-angkat ng dagdag na 300,000 metriko toneladang asukal.
“The president rejected the proposal to import an additional 300,000 MT of sugar. He is the chairman of the Sugar Regulatory Board and denied this in no uncertain terms,” sabi ni Angeles sa isang kalatas.
Alinsunod sa Sugar Order No. 4 na inilabas ng SRA noong Miyerkoles, hindi lalabis sa 300 MT asukal ang aangkatin ng bansa.
“Sugar retailers and businesses producing sugar containing products have complained to the Department of Agriculture, Sugar Regulatory Administration and even to media on the unavailability of sugar in the market,” nakasaad sa kautusan.
Layunin ng kautusan na tugunan ang suliranin sa supply ng asukal at sa patuloy na paglobo ng presyo nito.
Umabot na sa P90 hanggang P100 kada kilo ang presyo ng asukal sa palengke.