UMABOT sa ikalimang alarma ang sunog na sumiklab sa isang residential area sa likod ng Central Market sa Sta. Cruz, lungsod ng Maynila nitong Martes ng hapon, 2 Agosto.
Naganap ang sunog sa kanto ng mga kalye ng P. Guevarra at Fugoso sa Brgy. 311, Sta. Cruz.
Nilamon ng apoy at makapal na usok ang magkakadikit na bahay at tindahan na pawang gawa sa light materials habang pati ang mga kawad ng koryente ay nasunog din.
Ayon sa ilang mga residente, wala silang naisalbang anomang gamit mula sa kanilang mga bahay na mabilis na tinupok ng apoy.
Batay sa imbestigasyon ng Manila Fire Department, 1:05 pm nang sumiklab ang sunog at umabot sa ikalimang alarma.
Tuluyang naapula ang sunog bandang 3:23 pm.
Ani Crosbee Gumowang, Manila Fire Department District Director, malakas ang usok at hangin kaya hindi agad makapasok ang mga bombero.
Paalala ni Gumowang, sa ganitong mga lugar na gawa sa light materials ang mga bahay, huwag iiwanang may nakasaksak na koryente.
Patuloy pang inaalam ng Manila Fire Department ang sanhi ng sunog, pati na ang bilang ng mga naapektohang pamilya.
Samantala, nananawagan ng tulong ang mga residente tulad ng pagkain, damit, tubig, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Tinatayang aabot sa P2 milyon ang halaga ng pinsala sa sunog. (KARLA OROZCO)