PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibonga
NAKATAPOS na naman si Christian Bables ng bagong pelikula sa ilalim ng produksyon ng The IdeaFirst Company na idinirehe ni Perci Intalan.
Kaya naman hindi maitago ni Christian ang kasiyahan sa kanyang social media post na sinabi niya kung gaano siya ka-proud maging isang IdeaFirst baby kasabay nang pagpapasalamat sa IdeaFirst bosses na sina Direk Perci at Direk Jun Robles Lana.
Ayon sa Facebook post ni Christian, “It’s a wrap. Always a joy working with my The IdeaFirst Company family. Hindi na nga work eh. As for me, hindi ko na ramdam na nag ttrabaho ako dahil ang sarap umarte pag pamilya ang kasama at sobrang passionate ng lahat sa paligid mo.
“As always, thank you for the trust and confidence, direk Perci Intalan and direk Jun Robles Lana. Thank you sa pag titiwalang kaya kong bigyan ng puso ang mga very challenging characters sa mga kwento niyo. Lagi at lagi akong may baon na lessons from you. Proud and blessed to be one of your IdeaFirst children, mga direk!
“To all my co actors, staff, and crew, thank you for making this project, a happy and memorable one! Love you all!
“Proud to be an IdeaFirst baby! See you soon, Dali and Angel! #AFilmByPerciIntalan #Soon”
Unang nakilala si Christian sa mundo ng pelikula at showbiz dahil sa mahusay niyang pagganap sa award-winning IdeaFirst movie na Die Beautiful, na humakot siya ng Best Supporting Actor awards.
Ang pelikula niyang Big Night, na nagwagi na siya ng Best Actor award, ay sa ilalim din ng produksyon ng IdeaFirst at sa direksyon ni Direk Jun. Bahagi ang Big Night ng isinasagawang Pelikulaya: International LGBTQIA+ Film Festival na inorganisa ng Film Development Council of the Philippines. Sasabak din ang Big Night sa New York Asian Film Festival sa July 15-31 bilang tanging Filipino film na nakapasok sa prestihiyosong international filmfest ngayong taon.