HARD TALK
ni Pilar Mateo
KAY Lupit Mo Pag-Ibig. Kanta ni Victor Wood ang agad na rumepeke sa pagbubukas ng istorya ng pelikulang Putahe ni direk Roman Perez, Jr. na tiyak pagkakaguluhan ng mga manonood.
Dalawang artista ng Viva ang mapapansin sa mga ginampanan nilang karakter. Ang island girl na si Ayanna Misola at ang city babe na si Janelle Tee. Nandoon ang guys-like Massimo Scoffield, Chad Solano, Nathan Cajucom, Jiad Arroyo at may suporta nina Tabs Sumulong at Hershie de Leon.
Ang great actors na sina Mon Confiado at Ronnie Lazaro ay nagdagdag kulay din sa buhay na inikutan ng mga katauhan sa Isla Pwerta.
Noon pa man, sinasabi na ni direk Roman, na nais niyang maging Celso Ad Castillo. Ang premyadong direktor ay gumagawa ng mga pelikulang sumasalamin sa realidad ng mga nangyayari sa paligid niya—nasa gubat man ito, sa siyudad, sa gitna ng masasalimuot na mga pangyayari o sitwasyon.
Unti-unti, sa mga proyekto niya, achieved na ni direk Roman ang nais niyang gawin.
Nagkalat ang mga eksenang hubad sa pelikula. Pero ipagpapasalamat ang mga artistikong kuha ng kanilang D.O.P. o Director of Photography sa kabuuan nito. Dahil maaamoy ang kasulok-sulukang lugar ng mga pinangyayarihang tagpo sa eksena. Ang linaw ng tubig at simoy ng hangin sa isdang hanggang ngayon eh, hindi namin matukoy kung ano, sa eksena ni Ayanna. Na pinaglalaruan ito para bigyang-laya ang emosyon sa kasulok-sulukan naman ng hinahanap ng kanyang pagka-babae.
Ang gender-fluid na pelikula ay nagpakawala rin sa paghahanap ng mga kasagutan sa isip at sa puso ng mga karakter sa mga intensyong niyakap nila.
Pagkakakulong. (In their mindset and beliefs). Pagpapalaya. (In finding out true-blue realities of life).
Ang ganda ng rehistro ni Ayanna sa bigscreen. Promding-promdi ang island girl. Na tinapatan naman ng tapang ng personalidad ni Janelle.
Mahusay na natahi ni Direk at nang sumulat ng istorya ang Putahe. Mayroon lang iniwan sa isip ng manonood sa pagkawala ng karakter na si Elise at nang pinagsuspetsahan sa nangyari rito.