SA IKALAWANG anibersaryo ng pagpapasara ng ABS-CBN nitong Huwebes, 5 Mayo, nagsama-sama ang ilang mga grupo upang kondenahin ang mga personalidad sa likod ng pagpapasara ng estasyon ng telebisyon na naging sanhi ng pagkawala ng trabaho ng libo-libong manggagawa.
Ipinahayag ng National Alliance of Broadcast Unions (NABU) at Kapamilya Partylist ang 70 congressman, partikular si Rep. Mike Defensor, nasa likod ng anila’y ‘pamamaslang’ sa prankisa ng ABS-CBN.
Kabilang sina Defensor at kapwa mambabatas na si Rodante Marcoleta sa mga bumoto kontra sa renewal ng prankisa ng ABS-CBN na naging dahilan upang matigil ang operasyon nito.
Si Defensor ay tumatakbo bilang alkalde ng Quezon City habang si Marcoleta ay umatras sa kanyang kandidatura sa pagkasenador.
Pahayag ng National Alliance for Broadcast Unions (NABU), hindi kailanman sila susuporta sa anila’y ‘franchise killers’ ng media outlet na nagtataguyod ng katotohanan.
Ang NABU ang umbrella organization ng lahat ng broadcast workers union kabilang ang IBC-13, GMA-7, ABS-CBN, TV5, at PTV-4.
Dagdag ng NABU, walang puwang sa isang demokratikong bansa at walang makukuhang boto ang ‘franchise killers.’
Sinegundahan ito ng Kapamilya Partylist na nagsabing libo-libong tao ang nawalan ng trabaho at pagkakakitaan dahil sa mga pumaslang sa prankisa ng ABS-CBN.
Ayon sa Kapamilya Partylist, “Sisingilin natin si Mike Defensor na berdugo ng mga manggagawa ng ABS-CBN. Itapon natin si Mike Defensor sa basura. Trapo siya. Doon siya nababagay.”
Samantala, parehong nagpahayag ng suporta ang NABU at Kapamilya Partylist para sa muling pagtakbo ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, na aktibong sumuporta para sa renewal ng prankisa ng ABS-CBN.
“Ang NABU ay sumusuporta sa mga nagtataguyod ng press freedom. Ang NABU ay susuporta lamang sa subok na sa laban at may puso upang pakinggan at bigyan ng puwang ang mga manggagawa,” paliwanag ng NABU.
Dahil sa paninindigan ni Mayor Belmonte sa pagtataguyod ng malayang pamamahayag, buo ang suporta ng Kapamilya Partylist para sa bagong tatlong taong termino ng alkalde.
Samantala, inalala ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na dahil sa desisyon ng iilang may pribilehiyo, nawalan ng trabaho ang maraming media workers.
Dahil dito, nabawasan ng mapagkakatiwalaang bukal ng impormasyon sa mundong sinakop na ng mga mali at pekeng balita.
Anang NUJP, inaalala nila ito pati ang mga kabaro sa hanapbuhay na nawalan ng trabaho sa pagpapasara sa ABS-CBN. (KARLA OROZCO)