ni ROSE NOVENARIO
TINULDUKAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng e-sabong o mas kilala bilang talpakan simula kahapon dahil sa masamang epekto sa mga Filipino.
Ang desisyon ni Duterte ay ibinatay sa rekomendasyon ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa kanyang Talk to the People kamakalawa ng gabi, inilahad ni Duterte na inutusan niya si DILG Secretary Eduardo Año na magsagawa ng survey hinggil sa social impact ng e-sabong sa mga Pinoy.
Base aniya sa resulta ng survey ng DILG, ang e-sabong ay taliwas sa Filipino values at nakasisira ng pamilya.
“E ang labas na hindi na natutulog ‘yung mga sabungero 24 hours. That was the first objection that I’ve heard from somebody,” sabi ni Duterte.
“And the recommendation of Secretary Año is to do away with e-sabong and he cited the validation report of – coming from all sources. So it’s his recommendation and I agree with it and it is good. So e-sabong will end by tonight o bukas.”
Noong Marso 2022 ay todo ang pagtatanggol ni Duterte sa e-sabong dahil nakapag-aambag aniya ito ng P640 milyon sa kaban ng bayan.
Naging kontrobersiyal ang e-sabong sanhi ng pagkawala ng mahigit 30 sabungero ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin tinutukoy ng PNP ang nasa likod ng pagdukot.