SUPORTADO ng OFW Party-list ang mga panukalang nagdadagdag ng sahod sa mga manggagawa lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin bunsod ng walang tigil na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay OFW Party-list 2nd Nominee Jerenato Alfante, hindi biro ang presyo ng mga bilihin sa kasalukuyan lalo na’t lubhang apektado ang lahat ng sektor.
Tinukoy ni Alfante, bilang bahagi o galing sa economic zone ay aminado siyang kaya namang taasaan o dagdagan ang sahod ng bawat manggagawa.
Ngunit aniya, kailangang isaalang-alang kung mataas ang produksiyon o demand at pangangailangan ng produktong ibinebenta. Kung mayroong savings, maaaring dagdagan ng employeer ng karagdagang suweldo ng kanilang mga trabahador.
Aminado si Alfante, siya man ay mayroong mga trabahador sa economic zone at lahat sila ay well compensated lalo sa kanilang mga benepisyong natatanggap sa ilalim ng batas at pagbibigay ng overtime pay, night differentials, at iba pang uri ng benepisyo ng isang manggagawa.
Iginiit ni Alfante, kung maibibigay nang tama at maayos ang benepisyo sa isang empleyado o lahat ng emepleyado ay walang mga union o ano mang reklamong maririnig mula sa mga empleyado.
Kabilang sa itutulak ng kanilang Partido sa sandaling mahalal sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagkakaroon ng tamang edukasyon, training, at sa huli ay pagbibigay ng trabaho sa bawat mamamayan.
Sinabi ni Alfante, malaking tulong para sa mga manggagawa kung ang kanilang pag-aaral at training ay magaganap sa kanilang lugar na hindi na kailangan pang mamasahe. Dahil dito ay isusulong niya ang isang training center sa bawat munisipaliad o kung kakayanin ay sa bawat barangay. (NIÑO ACLAN)