NANAWAGAN si Rep. Angelina “Helen” D.L. Tan, M.D., chairperson ng Committee on Health sa pamahalaan na paigtingin ang pagbabantay laban sa Omicron CoVid-19 variant.
Aniya ang publiko ay dapat manatiling mapagbantay sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng CoVid-19 sa iba’t ibang bansa at pagsulpot ng nakababahalang bagong Omicron variant.
Hinimok ni Tan ang Department of Health (DOH) na pag-aralan ang pagpapatupad at pagpapalawig ng travel ban at pagpapaigting ng quarantine measures depende sa bansa kung saan nagmula ang isang manlalakbay.
“Ang laban sa CoVid-19 ay responsibilidad ng bawat isa. Nananawagan ako sa publiko na palakasin ang health at social measures, at sa kagawaran ng kalusugan na pabilisin ang pagbabakuna sa bansa,” giit ng kongresista.
Ginawa ng kongresista ang pahayag isang araw bago umpisahan ang tatlong araw na National CoVid-19 Vaccination Days sa buong bansa. Layunin nitong mabakunahan ang siyam na milyong Filipino sa loob ng tatlong araw.
Hinimok rin niya ang mga hindi pa nabakunahan na agad magpabakuna upang protektahan ang kanilang sarili at pamilya.
Binigyang-diin ni Tan ang kahalagahan ng pagpapalakas ng kapasidad para sa coronavirus sequencing at testing bilang bahagi ng komprehensibong pagtugon laban sa pandemya at mga variants of concern.
“Ipagpatuloy natin ang agresibong pagsugpo sa CoVid-19 sa pamamagitan ng pagsunod sa subok na health protocols upang iwasan ang pagkahawa sa CoVid-19 tulad ng pagsusuot ng mask, pagsasagawa ng physical distancing, pag-iwas sa matatao at saradong lugar, at pagbabakuna, ani Tan.
(GERRY BALDO)