IPAGBAWAL sa mga restaurant at resort ang mga taong hindi bakunado kontra CoVid-19 dahil banta sila sa public health.
Inihayag ito kagabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People.
“I support restaurants and all na delikado sa contamination sa public, you have my support, huwag mo sila pakainin. Sabihan mo sila na kung ayaw magpabakuna at hindi tinanggap sa ibang restaurant, doon lang kayo sa tabing-dagat,” aniya.
Nauna rito’y naglabas ng resolution ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na nag-aatas sa lahat ng establisimiyento pribado man o publiko ay kailangan bakunado ang lahat ng on-site workers at ipatutupad muna sa mga lugar na may sapat na supply ng CoVid-19 vaccine.
Ang National Vaccines Operations Center ang tutukoy sa mga lugar na ito.
Ipatutupad simula sa 1 Disyembre 2021 ang “no vaccine, no work” policy at papayagan lamang ang mga empleyadong hindi bakunado kontra CoVid-19 pero sariling gastos nila ang regular RT-PCR o swab test. (ROSE NOVENARIO)