PINAGDADAKIP sa iba’t ibang operasyong ikinasa ng mga awtoridad ang apat na personalidad na pawang lumabag sa batas sa lalawigan ng Bulacan, nitong Sabado, 20 Nobyembre.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Manuel Lukban, Jr., acting provincial director ng Bulacan PNP, nadakip ang dalawang hinihinalang tulak sa magkahiwalay na buy bust operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng Meycauayan CPS at Pulilan MPS.
Kinilala ang mga suspek na sina Ekim Osorio ng Brgy. Longos, Pulilan, at Harold Villarin, alyas Raven, ng Brgy. Lambakin, Marilao, nakompiskahan ng kabuuang 19 pakete ng hinihinalang shabu at buy bust money na dinala sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office para sa drug test at laboratory examination.
Samantala, arestado ang suspek na si Enrique Manalastas, sa kasong panununog, sa Brgy. Sta. Rita Matanda, San Miguel.
Sa imbestigasyon, nagising ang hindi pinangalanang biktima sa mga kaluskos at nang tingnan niya mula sa bintana ay nakita niya ang suspek na may dalang kahoy na may apoy hanggang magliyab na ang kanilang bahay.
Tinatayang aabot sa P7,000,000 ang halaga ng pinsala sa naturang insidente.
Agad nadakip ng mga awtoridad ang suspek na nakatakdang sampahan ng kasong Arson sa korte.
Gayondin, nasakote ang isang pugante sa ikinasang manhunt operation ng tracker team ng San Miguel MPS na kinilalang si Ersal Angeles ng Brgy. Camangyanan, Sta. Maria, dahil sa kasong Estafa.
Kasalukuyan nasa kustodiya ng kanyang arresting unit/office ang akusado para sa naaangkop na disposisyon.
(MICKA BAUTISTA)