SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
TATLO pang institusyon ng impormasyon ang makakasama sa paghahatid ng TV Patrol.
Kamakailan, ibinida sa programa sina Winnie Cordero, Boyet Sison, at Marc Logan na maghahatid ng kaalaman at kasiyahan sa mga manonood sa kani-kanilang mga segment sa TV Patrol.
Mga payo sa pamamalakad ng tahanan at pangangalaga sa pamilya ang ibabahagi sa Winning Moment ni Winnie, na minahal ng publiko sa mga programa tulad ng Umagang Kay Ganda at Todo Todo Walang Preno.
Mga trivia at nakamamanghang bagay naman ang ilalahad sa Alam N’yo Ba? ni Boyet, na isa ring kilalang pangalan sa radyo at TV.
Magpapatuloy din ang 25 taong paghahatid ng good vibes ni Marc sa mga Kapamilya sa Mga Kwento ni Marc Logan, na bahagi na ng newscast sa maraming taon.
Bukod kina Winnie, Boyet, at Marc, makakasama pa rin mula Lunes hanggang Biyernes, 6:30 p.m. sa TV Patrol ang anchors na sina Henry Omaga-Diaz, Karen Davila, at Bernadette Sembrano, at si Star Patroller Gretchen Fullido. Patuloy din ang paglilingkod nina Alvin Elchico at Zen Hernandez sa TV Patrol Weekend tuwing Sabado at Linggo, 6:00 p.m..
Mapapanood ang TV Patrol at TV Patrol Weekend sa ANC, TeleRadyo, Kapamilya Channel, iWantTFC, Kapamilya Online Live, news.abs-cbn.com/live, ABS-CBN News YouTube channel, ABS-CBN News App, at mapakikinggan din sa ABS-CBN Radio Service App.