MATABIL
ni John Fontanilla
DARING, palaban, at handang gawin ang lahat para sa ikagaganda ng pelikula ang maganda at seksing si Ana Jalandoni, ang bida at producer ng pelikulang Manipula.
Unang ipinakilala si Ana sa pelikulang Paglaki Ko, Gusto Kong Maging Pornstar ng Viva Films na napansin ang ganda at husay sa pag-arte. At sa Manipula ay mapangahas, mas daring, at mas challenging ang role na ginagampanan niya na katambal si Aljur Abrenica.
AJ din ang initial ni Ana kaya nausisa ng mga entertainment press kung hindi ba ito natatakot na ma-link kay Aljur katulad ng kay AJ Raval na nakapareha ng aktor sa pelikulang Nerissa.
Ayon kay Ana, “Hindi naman po. Nagkasama na kami ni Aljur sa mga out of town event, so, parang magkaibigan na kami at sinuportahan niya ang pagpo-produce ko.”
Bukod kay Aljur ay magkakaroon din ng matinding lovescene si Ana kina Christian Vasquez, Kiko Matos, at Marco Alcaraz.
Ang Manipula ay mula sa panulat at direksiyon ni Neal Buboy Tan.